Preterm o Premature Births, Bakit ito Nangyayari?

November 11, 2022

Ang karaniwang pagbubuntis ay tumatagal ng humigit-kumulang 40 na linggo, at kung ang sanggol ay isinilang bago ang ika-37 na linggo, “preterm” o “premature” ang tawag dito1.

 

Napakahalaga ng mga huling ilang linggo ng sanggol sa loob ng  sinapupunan upang maseguro ang tamang paglaki at development ng mga mahahalagang organ sa katawan tulad ng utak at baga. Ang mga sanggol na isinilang na premature ay may mas mataas  na tyansang  magkaroon  ng mga problemang medikal na nangangailangan ng mas matagal na pananatili sa ospital.  Maaari ring magkaroon  ng mga problema sa kalusugan habang lumalaki, tulad ng kahirapan sa pagkakatuto at mga pisikal na kapansanan1.

 

Mga Sanhi ng mga Preterm Birth

 

Hindi pa natutukoy ng mga dalubhasa ang lahat ng dahilan kung bakit may mga sanggol na maagang ipinapanganak. May ilang mga risk factors o salik na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng premature birth sa isang nagdadalang-tao. Ang ilan sa mga salik na ito ay ang mga sumusunod1,2,3:

-Pagsilang sa isang premature baby sa mga nakaraang pagbubuntis;

-Pagbubuntis sa kambal;

-Paninigarilyo;

-Paggamit ng droga;

-Walang anim na buwan na pagitan mula sa nakaraang panganganak at sumunod na pagbubuntis

-Pagbubuntis sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF);

-Problema sa bahay-bata, kwelyo ng matres, o inunan;

-Ilang impeksyon, partikular na ang impeksyon sa panubigan,  sa pwerta o sa ihi ;

-Ilang karamdaman, tulad ng altapresyon at diabetes;

-Pagkakaroon ng mga pangyayari sa buhay na nakakapagdulot ng stress, tulad ng pagkamatay ng minamahal o pagkaranas ng pang-aabuso sa bahay;

-Pagkakaroon ng history ng pagkakalaglag ng sanggol o abortion ;

-Pisikal na pinsala o trauma;

-Mga komplikasyon sa pagbubuntis na nangangailangan ng agarang pagpapanganak sa sanggol.

 

Gayunpaman, maaari pa ring makaranas ng premature birth ang isang babae kahit wala siyang risk factors sa panganganak nang maaga.

 

undefined

https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-pregnant-woman-doing-yoga-exercises-2082077011

 

Paano Makakaiwas sa Premature Birth?

 

Ang mga premature na sanggol ay may mas mataas na tyansa na mamatay. Kung makaligtas man, maaari silang magkaroon ng mga kapansanan, mula sa problema sa paghinga hanggang sa problema sa pag-iisip ( mas mataas ang chance na magkaroon ng mental health illness sa katandaan, o kaya naman, mas mahirap maturuan o ang mga tinatawag na may learning disabilities). 4,5  Dahil dito, mahalaga na may mga aktibong hakbang ang isang nagdadalang-tao upang maseguro  na makapagluluwal siya ng malusog na sanggol sa kanyang kabuwanan. Naririto ang ilan sa mga maaaring gawin upang maiwasan ang masyadong maagang panganganak:

-Sumailalim sa angkop na prenatal care simula sa panahon kung kailan  nakumpirma ang pagbubuntis. Ang maaga at regular na prenatal care ay may malaking epekto sa pagbabawas ng tyansa ng pagkakaroon ng preterm birth. 

-Itigil ang paninigarilyo1. Ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan, buntis man o hindi. Mas nagiging mapanganib ito kapag mayroon nang sanggol sa sinapupunan na maaaring makakuha ng lahat ng kemikal na pumapasok sa katawan ng ina.

-Itigil ang pag-inom ng alak o paggamit ng droga1.

-Maghintay nang hindi bababa sa 18 na buwan bago magbuntis muli2.

-Bantayan ang timbang. Kinakailangan ang wastong dagdag sa timbang habang nagbubuntis. Kapag kulang ang timbang, maaaring ang baby ay ipanganak na kulang din sa timbang samantalang kung ang timbang ng buntis ay higit sa rekomendasyon, maaaring ang baby ay malaki kesa sa nararapat at maaaring mahirapan ang ina sa panganganak.  Ang tamang dagdag ng timbang sa pagbubuntis ay nakadepende sa timbang ng nanay bago magbuntis, kung ilang anak ang kanyang dinadala (isa, twins, triplets), etc. Mainam konsultahin ang inyong OB - GYN para sa tamang rekomendasyon.6

-Kumain ng masusustansyang pagkain. Habang buntis, siguraduhin na nakakakuha ng sapat na dami ng iron, folic acid, at iba pang mahahalagang  nutrients mula sa pagkain1;

-Uminom ng maraming tubig araw-araw1. Ang rekomendasyon sa pag-inom ng tubig ay hindi bababa sa walong baso ng tubig kada-araw, ngunit kung nag-eehersisyo, dapat mas marami pa rito ang inumin;

-Magpagamot para sa mga karamdaman. Ang mga sakit mula sa diabetes hanggang sa depression ay maaaring makaapekto sa buong kurso ng pagbubuntis.7,8 Mahalaga na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng angkop na gamot para sa mga kondisyong ito;

-Umiwas sa stress. Subukan ang mga ehersisyo na nakaka-relax tulad ng yoga. Matutong mag-meditate. Kapag mas panatag ang kalooban, mas malaki ang tyansa na magkaroon ng malusog na pangangatawan.

 

Kung may pangamba tungkol sa panganganak nang maaga, maaaring makipag-usap sa doktor upang mabigyan ng tamang payo at gamot. Maaaring magrekomenda ang doktor ng karagdagang mga hakbang, bukod sa mga nabanggit sa taas, upang maiwasan ang panganganak nang maaga.

 

Senyales at Sintomas ng Preterm Labor

 

Kadalasan, ang preterm labor ay biglaan at hindi natutukoy ang dahilan. Katulad ng regular na panganganak, ang mga sintomas ng preterm labor ay ang mga sumusunod2:

-Pagtigas ng tiyan kada-10 minuto o mas madalas pa;

-Pagbabago sa discharge mula sa pwerta (pagdami ng discharge, pagtagas ng tubig o pagdurugo mula sa pwerta);

-Presyon sa pwerta (pakiramdam na tumutulak pababa ang sanggol);

-Pagsakit ng likod;

-Pagtigas ng tiyan na maaaring may kasamang pagtatae.

 

Kung nakararanas ng mga senyales at sintomas ng preterm labor, agad na makipag-ugnayan sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.

References:

 

  1. https://www.healthline.com/health/pregnancy/premature-infant
  2. https://www.cdc.gov/reproductivehealth/features/premature-birth/index.html#:~:text=Some%20risk%20factors%20for%20preterm,has%20to%20be%20delivered%20early.
  3. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/premature-birth/symptoms-causes/syc-20376730
  4. Breeman, L. D., Jaekel, J., Baumann, N., Bartmann, P., & Wolke, D. (2015). Preterm Cognitive Function Into Adulthood. PEDIATRICS, 136(3), 415–423.doi:10.1542/peds.2015-0608
  5. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK11356/
  6. https://www.cdc.gov/reproductivehealth/maternalinfanthealth/pregnancy-weight-gain.htm
  7. https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/20059440/
  8. https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/20059440/