Prostate Enlargement o Paglaki ng Prostate

April 21, 2016

Ano ang Prostate Enlargement?

 

Ang prostate enlargement o benign prostatic hyperplasia (BPH) ay ang paglaki ng prostate gland sa mga kalalakihan. Ang prostate gland ay parte ng reproductive system ng mga lalaki na matatagpuan sa bandang ilalim ng pantog. Ito ay gumagawa ng prostatic fluid na sumasama sa semilya o sperm cells tuwing nilalabasan. Mahalaga ito dahil kailangan ng sperm cells ng proteksyon mula sa acidity ng vagina.

 

Ang prostate enlargement ay karaniwang nangyayari kapag nagkaka-edad ang isang lalaki. Natatamaan nito ang urethra (ang daluyan ng ihi palabas ng ari) kung kaya’t nararanasan ang masakit at mahirap na pag-ihi.

 

Madalas na ikinakabahala na ang BPH ay may kinalaman sa pag-develop ng prostate cancer ngunit hindi ito totoo. Hindi rin ito nakamamatay pero maaaring maging mabigat ang epekto nito.

 

Mga Sanhi ng Prostate Enlargement

 

Bukod sa pagtanda, hindi pa natutukoy ang mismong sanhi ng BPH. Mayroong mga pagsusuri na nagsasabing may kinalaman ito sa hormones. May mga pag-aaral ding nagsasaad na mas malaki ang tsansang magka-BPH ang mga lalaking mayroong diabetes at hypertension.

 

Mga Sintomas ng Prostate Enlargement

 

Ang paglaki ng prostate ay maaaring makaapekto sa pag-ihi sa iba’t ibang paraan gaya ng:

 

  • Masakit na pag-ihi
  • Madalas na pag-ihi
  • Hirap magpigil ng ihi
  • Hindi maka-ihi Pagkakaroon ng dugo sa ihi
  • Paggising sa gabi para umihi
  • Mahinang pag-agos ng ihi

 

Maaaring magdulot ng ibang komplikasyon ang BPH tulad ng urinary tract infection (UTI) at mga sakit sa bato at pantog.

 

Paano Matutuklasan Kung Ikaw Ay May Prostate Enlargement?

 

Maaaring masuri ang BPH sa pamamagitan ng mga sumusunod:

 

  • Medical history
  • Physical exam
  • Medical tests

 

  • Pagsusuri sa ihi sa pamamagitan ng urinalysis
  • Blood test para masuri ang prostate-specific antigen (PSA)
  • Urodynamic tests para masuri ang urinary incontinence
  • Pagsilip sa loob ng pantog sa pamamagitan ng cytoscopy
  • Transrectal ultrasound o ang pagpasok ng ultrasound equipment sa puwit
  • Biopsy o pagkuha ng cells upang suriin

 

Mga Gamot at Lunas sa Prostate Enlargement

 

Ang BPH ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng gamot, therapy o prostate surgery. Para malaman ang wastong lunas, kailangang i-consider ang mga sumusunod:

 

  • Laki ng prostate
  • Edad
  • Pangkalahatang kalusugan
  • Antas ng pagkabalisa sa pag-ihi

 

Kung ang mga sintomas ay hindi naman gaanong nakasasagabal, maaaring ipagpaliban ang pagpapagamot o operasyon ngunit mahalaga ang regular na check-up upang masubaybayan ang paglaki ng prostate gland.

 

Ito naman ang mga gamot na maaaring makabawas sa mga sintomas ng BPH:

 

  • Alpha blockers gaya ng RiteMED terazosin, doxazosin, at tamsulosin - Nakatutulong itong pampa-relax sa pantog at prostate upang bumuti ang paglabas ng ihi.
  • 5-alpha reductase inhibitors tulad ng finasteride at dutasteride - Pinipigil nito ang pagdami ng DHT na puwedeng maipon sa prostate at ikalaki nito.

 

Sa ibang kaso, maaaring pagsamahin ang pag-inom sa mga gamot na nabanggit ngunit kumonsulta muna sa inyong manggagamot.

 

Paano Maiiwasan ang Prostate Enlargement?

 

Hindi maiiwasan ang paglaki ng prostate sapagkat ito ay kaakibat ng pagtanda ng tao. Gayunpaman, maaaring sundin ang mga sumusunod upang hindi masyadong makasagabal ang BPA:

 

  • Iwasan ang pag-inom bago matulog.
  • Bawasan ang pag-inom ng kape at alcohol lalo na pagkatapos kumain ng hapunan.
  • Subukang umihi nang regular (tuwing 4 o 6 na oras) upang makasanayan ito ng iyong pantog.
  • Huwag intaying mapuno ang pantog bago ilabas ang ihi.
  • Limitahan ang pag-inom ng mga decongestant o antihistamine dahil mas nakakaapekto ito sa paglabas ng ihi.
  • Magkaroon ng sapat na ehersisyo.
  • Sumunod sa wastong diet dahil nakakaapekto sa prostate enlargement ang labis na katabaan o obesity.
  • Nakatutulong din ang pagkonsumo ng mga sumusunod: itlog, isda, gatas, keso, manok, soya at tokwa.

Magpatingin sa inyong doktor kung kayo ay mga sintomas ng prostate enlargement upang mabigyan ng tamang lunas ang inyong karamdaman.