Hindi sikreto na tuwing tag-ulan ay dumarami ang kaso ng may sakit na may kinalaman sa respiratory system pati na rin ang mga water-borne diseases tulad ng typhoid fever, cholera, at leptospirosis. Marahil ang pinakapangkaraniwang sakit na dumadapo sa karamihan tuwing tag-ulan ay ang sipon at trangkaso.
Kapag hinayaang lumala ang sintomas ng sipon at trangkaso, maaari itong humantong sa pulmonya at iba pang kumplikasyon tulad ng pamamaga ng sinus at tainga. Importante din na malaman na maraming madadaling hakbang na pwedeng gawin upang mapigilan at labanan ang mga karaniwang sakit na ito.
Marahil ang pinakamabisa at murang pangontra sa mga sakit na dala ng tag-ulan ay ang mga pagkonsumo ng malinamnam at masustansyang pagkain. Ang mga taglay na nutrients ng pagkain ay hindi lamang nagbibigay ng enerhiya sa katawan, nagsisilbi din itong medisina na nagpapalakas sa immune system at sumusuporta sa iba pang bodily functions.
Ika nga ng Griyegong si Hippocrates, na kinikilala bilang ama ng modernong medisina, “Ang pagkain ay gamot, at ang gamot ay pagkain.” Kaya naman kapag dumating ang tag-ulan at mga sakit na kaakibat nito, mahalagang mayroong nakahandang iba’t ibang cooking recipes ng mga putahe na magpapalakas ng resistensya.
Heto ang ilang easy recipes at pangkaraniwang ingredients na makakatulong pangontra sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan.
- Chicken soup
Ang chicken soup ay ilang daang taon nang inirerekomenda bilang lunas sa mga sintomas ng sipon at trangkaso. Madaling gawin ang chicken soup dahil hindi kailangan ng kumplikadong cooking tools at marahil ang bawat pamilya sa Pilipinas ay may kanya-kanyang paraan ng pagluto nito.
Ang chicken soup ay mayaman sa vitamins, minerals, calories, at protein. Ang mga ito ay mahahalagang nutrients na kailangan ng katawan upang malabanan ang mga sintomas ng sipon at trangkaso. Naglalaman din ito ng fluids at electrolytes na magpapabuti sa hydration at makatutulong sa pagpurga sa nasal mucus. Bukod sa mayaman sa mga mahalagang bitamina, ang pagkain ng chicken soup tuwing rainy days ay maaaring makapag-improve ng overall mood.
- Mga sabaw
Tulad ng chicken soup, ang paghigop ng sabaw ay isa ding tried and tested na lunas sa mga sintomas ng sipon at trangkaso. Ang iba’t ibang uri ng sabaw ay masunstansya sa calories at nagtataglay ng bitamina tulad ng magnesium, calcium, folate, at phosphorous na makakapagpabuti ng hydration din at mabisang lunas para sa masakit na tiyan.
May kanya-kanyang cooking method ang mga Pilipino para sa iba’t ibang uri ng sabaw. Upang matiyak na makakatulong ito na magbigay ginhawa sa sintomas ng sipon at trangkaso, siguraduhin na ang iyong recipe ay may mataas na calorie at protein count.
- Bawang
Ang rainy season sa Philippines marahil ay ang pinakahindi-kaaya-ayang panahon sa buong taon dahil na rin sa heograpikal sa posisyon ng bansa sa Pacific Ocean. Alam ng bawat Pilipino ang abala ng kawalan ng panlasa dahil sa sipon na dulot ng tag-ulan. Kaya naman napaka importante ng mga sangkap na makatutulong sa pagpapanumbalik ng panlasa. Isa sa mga sangkap na ito ay ang bawang.
Ang bawang ay sangkap sa maraming uri ng putaheng Pilipino. Marami itong health benefits at ilang daang taon nang ginagamit bilang isang medicinal herb dahil sa taglay nitong antibacterial, antiviral, at anti-fungal properties na nakakapagpatibay sa immune system.
- Maanghang na pagkain
Maraming cooking recipes sa Pilipinas ang ginagamitan ng sili bilang pang-enhance ng lasa ng isang putahe. Ang maanghang na sangkap na ito ay naglalaman ng capsaicin na nagdudulot ng burning sensation kapag kinain. Ginagamit din ang capsaicin nang maramihan bilang major ingredient sa pain-relieving gels at patches.
- Mga prutas na mayaman sa vitamin C
Napaka-importanteng nutrient ang vitamin C para sa pagpapalakas ng immune system, na siya namang tiyak na pangontra sa mga karaniwang sakit tulad ng sipon, ubo, o trangkaso. Maraming klase ng prutas, tulad ng pinya, manga, at papaya, ang mayaman sa vitamin C. Kung maaari, mainam na bantayan ang rain forecast upang makapaghanda ng mga putaheng pwedeng lagyan ng mga prutas na mayaman sa vitamin C na lalong magpapalakas sa resistensya kontra sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan.
Source:
https://www.shutterstock.com/image-photo/fruits-vegetables-rich-vitamin-c-background-1044197719
Ang tropical rainfall ay isa sa mga pinaka hindi kaaya-ayang nararanasan ng mga taong nakatira sa tropical climates tulad ng Pilipinas. Mahalagang maging handa sa pagdating ng tag-ulan at sa mga sakit na maaaring dumapo sa atin o sa ating mga mahal sa buhay. Isa lamang ang paghahanda ng masustansyang pagkain sa mga mainam na hakbang upang malabanan ang mga sakit na dala ng tag-ulan.
Bagaman importanteng pangontra sa sakit ang mga nabanggit na putahe at sangkap, huwag kakalimutan na kaakibat dapat sa pagluto ng mga ito ang pagmamahal at atensyon para sa iyong mga mahal sa buhay. Ika nga ng isang sikat ng American columnist at television critic na si Harriet Van Horne, “Cooking food is like love. It should be entered into with abandon or not at all."
Tandaan na ang tamang pahinga, pag-inom ng tubig, at pagkain na masustansyang pagkain ay iilan lang sa mga lunas sa iyong karamdaman. Mainam pa rin na kumonsulta sa doktor upang makakuha ng wastong payo at maresetahan ng nararapat na gamot.
Source:
https://www.healthline.com/nutrition/15-best-foods-when-sick