Ang buni o ringworm ay isang pangkaraniwang impeksyon sa balat na dulot ng fungus. Isa ito sa pinakalaganap na skin diseases. Madalas itong lumitaw bilang isang bilog at mapulang rash kaya ito tinawag na ringworm. Madalas itong mapagkamalan na ibang skin infection tulad ng eczema at psoriasis.
Kahit sino ay maaaring magkaroon ng makating sakit sa balat na ito dahil ang fungus na nagdudulot nito ay nabubuhay sa balat at sa iba’t ibang bagay tulad ng mga gamit, damit, at higaan.
Kilala ang ringworm ng mga dermatologist at iba pang dalubhasa sa tawag na tinea, dermatophytosis, dermatophytid, o kaya’y dermatophyte fungal infection. Maaari ding tawagin ito sa ibang pangalan base sa kung saan ito matatagpuan sa katawan. Halimbawa, kung ito’y tumubo sa paa, ang tawag dito ay athlete’s foot (Tinea pedis) o alipunga. Narito pa ang ibang medical names ng ringworm ayon sa lokasyon sa katawan:
- Anit - Tinea capitis
- Singit - Tinea cruris o jock itch
- Katawan - Tinea corporis
- Sa may balbas - Tinea barbae
Pinagmumulan ng Ringworm
Hindi bulate o worm ang pinanggagalingan ng ringworm, kahit may “worm” pa sa pangalan nito. Ang fungus na nagdadala ng ringworm ay madalas kumapit sa mga bata, nguni’t maaari itong makahawa sa kahit sino, anuman ang edad o sitwasyon sa buhay. Kapag nahawa ng ringworm, mabilis dumami ang fungus nito lalo na kung kinakamot.
Ang pagkamot ay madalas na nagpapakalat ng mga sakit sa balat dahil may mga dumi sa ilalim ng mga kuko na nagsisilbing pagkain ng mga mikrobyo, at dinadala rin ng pagkamot ang mikrobyo sa ibang bahagi ng katawan na iyong nahahawakan.
Madaling mahawahan ng ringworm. Ang kailangan lamang ay mahawakan ang isang taong mayroon nito. Puwede ring mahawa kung gumamit ng mga bagay na ginamit ng isang taong may buni, tulad ng damit na hindi pa nalalabhan, suklay, at iba pang gamit. Maaari ka ring magkaroon nito kapag gumamit ng public shower o di kaya’y naglakad sa paligid ng public pool lalo na kung hindi nakatsinelas.
Hindi lang sa tao maaaring makakuha ng ringworm. Puwede rin sa mga alagang hayop tulad ng aso at pusa.
Ang fungus na nagdadala ng ringworm infection ay nabubuhay sa mga lugar na madalas na basa at warm, tulad ng iyong balat kung lagi kang pinagpapawisan. Kung minsan, kumakapit din ang fungus na ito sa mga sugat sa balat, anit, o kuko.
Pag-Iwas sa Ringworm
Upang makaiwas sa pagkakaroon ng buni o ringworm, narito ang mga dapat gawin:
- Laging panatilihing malinis ang iyong balat. Patuyuin ito ng maayos.
- Siguraduhing tuyo ang paa bago magsuot ng medyas at sapatos.
- Gumamit ng mga sapatos na breathable o iyong hindi nakukulob ang mga paa.
- Kung nasa mga public areas tulad ng gym, locker, shower, at paligid ng pool, magsuot lagi ng sapin sa paa tulad ng tsinelas.
- Araw-araw ay magpalit ng medyas at underwear. Huwag magsuot ng mga gamit na hindi pa nalalabhan.
- Iwasang makipaghiraman ng gamit, tsinelas, cap, damit, twalya, panyo, sapin sa kama, punda sa unan, at iba pa sa sinumang kilala mong may ringworm.
- Kung ikaw ay pawisin, mainam na magdala palagi ng bimpo at extrang damit. Laging labhan ng maayos ang mga bimpo, twalya, at damit bago gamitin.
- Maligo ng maayos araw-araw gamit ang germicidal soap.
- Suriin ang balat ng alagang pusa o aso. Kung may ringworm ito, dalhin kaagad sa beterinaryo upang bigyan ng ringworm treatment.
- Maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon pagkatapos makipaglaro sa kahit anumang alagang hayop.
- Maligo kaagad matapos maglaro ng anumang contact sport tulad ng basketball. Huwag makipaghiraman ng mga gamit tulad ng sapatos at damit sa iyong mga kapwa manlalaro.
Mga Lunas sa Ringworm
Bukod sa makati ang buni, karamihan sa nagkakaroon nito ay nahihiya na mapansin ng ibang tao. Kung ikaw ay malusog, maaaring mawala ang skin infection na ito sa loob ng ilang buwan. Pero kadalasan ay pabalik-balik ito o kaya nama’y hindi nawawala ng kusa.
Upang kaagad malunasan ang ringworm, lumapit sa iyong doktor o dermatologist. Mareresetahan ka nila ng gamot na iniinom para mamatay ang fungi na sanhi ng ringworm.
Kung hindi naman malala ang ringworm infection sa iyong balat, maaari ding pagamitin ka ng ringworm cream na ipapahid sa impeksyon. Maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon pagkatapos magpahid ng napiling ringworm cream.
Nabibili ang maraming ointment na pamatay ng fungi sa balat nang walang reseta (over-the-counter o OTC), ngunit’s mas mainam nang lumapit at magtanong sa dermatologist o doktor upang makasiguro na safe ito. Sila rin ang makapagsasabi kung ringworm nga ba o ibang sakit sa balat ang kumapit sa iyo.
Mga Home Remedies
Mayroon ding home remedy for ringworm na maaaring subukan. Narito ang ilan sa mga ito.
Alalahaning hugasan muna gamit ang malinis na tubig at germicidal soap ang bahagi ng balat na may ringworm bago gamitin ang mga ito.
1. Bawang - Ang bawang ay madalas na gamiting panlaban sa mga impeksyon sa balat tulad ng buni. Walang scientific studies na nagsasabing isa itong remedy for ringworm, pero ang garlic ay matagal nang napatunayang mabisang pampatay ng fungi.
Dikdikin ang bawang at ihalo sa coconut oil o olive oil. Mas madaling gawing paste ito kung gagamit ng blender. Ipahid ang ginawang paste sa parte ng balat na may buni at balutan ito ng gasa (gauze). Patagalin nang hanggang dalawang oras saka hugasan ng malinis na tubig. Gawin ito ng dalawang beses araw-araw hanggang mawala ang buni. Kung nagdulot ito nga paghapdi o labis na pamumula ng balat, itigil ang paggamit nito.
2. Apple Cider Vinegar - Isa ding mabisang panlaban sa fungi ang apple cider vinegar.
Gumamit ng bulak o kaya’y cotton wool pad upang ipahid ang apple cider vinegar sa balat na may impeksyon. Gawin ito ng hanggang tatlong beses araw-araw hanggang mawala ang buni.
3. Oil of Oregano - Ang oil of oregano na gawa sa wild oregano ay may mga sangkap na mabisa sa paglaban sa fungi. Siguraduhin lamang na ang bibilhin ay gawa sa wild oregano at hindi pangkaraniwang oregano lamang.
Haluan ng carrier oil ang oil of oregano tulad ng olive o coconut oil. Ipahid ito sa buni nang hanggang tatlong beses araw-araw.
4. Turmeric - Ang turmeric ay kilalang spice, nguni’t may sangkap din ito na pumupuksa sa mga mikrobyo.
Maaaring inumin na lamang ang turmeric tea araw-araw, pero puwede ring gumawa ng pampahid gamit ito. Ihalo lamang ang turmeric sa kaunting coconut oil at ipahid sa balat na may ringworm. Punasan ito pag natuyo. Kung napansing naninilaw ang balat matapos gamitin ito, huwag mabahala. Mawawala din ang paninilaw pagkalipas ng ilang araw.
5. Aloe Vera - Ang aloe vera ay kilala sa kagandahan nito para sa buhok at anit, nguni’t ito ay mabisa ring pamatay ng mga bacteria at fungi.
Pumutol ng dahon ng aloe vera at ipahid ang mantsa nito sa balat na may ringworm nang hanggang apat na beses sa isang araw. Nakakatulong din ito upang mabawasan ang pangangati.
Ilan lamang iyan sa mga natural na panlunas sa ringworm. Maaaring humanap pa ng iba sa internet, nguni’t alalahanin lamang na ang pinakamabisang pangontra sa buni ay ang kalinisan, at ang paglapit sa mga dalubhasa upang gamutin ito.
Resources:
https://medlineplus.gov/ency/article/001439.htm
https://www.cdc.gov/fungal/diseases/ringworm/index.html
https://www.theguardian.com/lifeandstyle/2006/jul/02/healthandwellbeing
https://www.healthline.com/health/home-remedies-for-ringworm#soap-and-water
https://www.medicalnewstoday.com/articles/320911#home-remedies
https://www.cdc.gov/fungal/diseases/ringworm/risk-prevention.html