Ano ang pinagkaiba ng Buni, An-an, at alipunga?

August 19, 2020

Buni, An-an, at Alipunga: Ano nga ba ang Pinagkaiba?

Mga rashes, patse-patse, panunuyo, at pangangati – ilan lamang ito sa mga nararanasang sakit sa balat. Kung minsan ang mga ito ay nauuwi sa pagsusugat at malalang skin infection dahil sa labis na pagkamot kapag ito ay nangangati. Ang buni, an-an, at alipunga ay ilan lamang sa mga pinakakaraniwang mga sakit sa balat. Karamihan sa mga sakit sa balat na ito ay nauuso kapag tag-init at kadalasang nakakaapekto sa mga taong pawisin, sensitibo ang balat, at iyong may mahinang resistensya laban sa impkesyon.

Anu-ano nga ba ang buni, an-an, at alipunga at paano sila nagkakaiba sa isa’t-isa. Ating alamin.

Buni

Ang buni o ringworm sa English ay isang uri ng fungal infection sa balat. Maaari itong makaapekto sa iba’t-ibang bahagi ng katawan gaya ng muka, hita, singit, at braso. Kadalasang lumalabas ang buni sa matatanda at ang sanhi nito ay human dermatophytes na nakakahawa kapag napadikit sa balat ng ibang tao. Maaari kang mahawahan ng buni kung ikaw ay nagkaroon ng direktang kontak sa isang tao (o kahit sa hayop) na infected nito. Lumalabas ang buni bilang mga bilog na pulang patse sa balat. Kung sasalatin ay bahagya itong nakaumbok sa balat.

An-an

Ang an-an (tinea versicolor) ay dulot ng isang uri ng yeast na nakatira sa balat na kung tawagin ay malassezia. Lumalabas ito bilang mga patse sa balat na maaaring puti o itim ang kulay. Kadalasang tumutubo ang an-an sa balikat, dibdib, o likod tuwing panahon ng tag-init. Ito ay hindi nakakahawa na gaya ng buni sapagkat ang an-an ay nasa loob ng balat. Kung ang buni ay kadalasang lumalabas sa matatanda, ang an-an naman ay karaniwang nakakaapekto sa mga kabataan. Kapag ang isang taong may an-an ay nagbilad sa araw, maaaring mas lumala ito.

Alipunga

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/man-scratching-his-athletes-foot-108856868)

Ang alipunga (tinea pedis) o athlete’s foot naman ay karaniwang nakakaapekto sa pagitan ng mga daliri sa paa at sa itaas na bahagi ng paa. Ito ay isa ring fungal infection na dulot ng trichophyton (isa ring uri ng dermatophyte) na kadalasang naninirahan sa maduming sahig at damit. Nagdudulot ito ng iba’t-ibang epekto gaya ng labis na pangangati, pagbibitak ng balat, panunuyo at pamumula ng balat, mahapding paltos, at hindi kaaya-ayang amoy. Ang alipunga ay tumutubo sa balat na nababad sa basang sapatos o medyas. Kagaya rin ito ng buni na maaari mong makuha kapag ikaw ay napadikit sa balat ng isang taong mayroon nito.

Pag-iwas

Ang personal hygiene o pansariling kalinisan ang numero unong susi upang makaiwas sa mga sakit sa balat. Ugaliin ang pagligo at paghuhugas ng kamay. Regular na palitan ang mga gamit gaya ng tuwalya at kumot. Labahan nang mabuti ang mga medyas at panloob na kasuotan. Iwasan ang pagpapahiram ng mga pansariling gamit upang hindi mahawahan o makahawa sa iba.

Ang alipunga ay maiiwasang kumalat kung papanatilihing malinis at tuyo ang balat sa paa. Huwag magsuot ng masisikip na sapatos. Gumamit ng antifungal na pulbos araw-araw.

Lunas

Ang buni, an-an, at alipunga ay hindi nakamamatay ngunit maaari itong magdulot ng seryosong discomfort dahil sa dala nitong pangangati. Mayroong mga over-the-counter antifungal kayaga ng RM Terbinafine na gamot na maaaring ipahid upang magamot ang mga ito. Kadalasang nabibili ang mga gamot sa buni at gamot sa alipunga bilang cream, ointment, o lotion. Bago maglagay ng mga produktong ito, siguraduhin munang malinis at tuyo ang bahaging apektado. Gamitin ang mga ito batay sa instructions na nakasulta sa pakete. Mayroon ding mabibiling mga sabon na nakakatulong upang labanan at maiwasan ang mga fungal infections na ito.

Kung sakaling malala na ang impkesyon at kumalat na ito sa balat, makakatulong kung gagamit ng prescription-strength na gamot na ipinapahid o di kaya naman ay iniinom upang mapuksa ang sakit sa balat. Kumonsulta na sa doktor kung walang nakikitang pagbabago matapos ang ilang araw na paggamit ng gamot.

 

Sources:

https://www.cdc.gov/fungal/diseases/ringworm/treatment.html

https://www.healthline.com/health/skin-infection

https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/tinea-versicolor-cause-symptoms-treatments

https://www.hopkinsallchildrens.org/Patients-Families/Health-Library/HealthDocNew/Tinea-(Ringworm,-Jock-Itch,-Athlete-s-Foot)#:~:text=Jock%20itch%2C%20athlete's%20foot%2C%20and,thrive%20in%20warm%2C%20moist%20areas.

https://mediko.ph/karamdaman/buni-ringworm/