Ang kabag o gas pain ay isang kondisyon kung saan nakakaramdam ng pananakit ng tiyan ang isang tao. Isa itong pangkaraniwang karamdaman na nararanasan ng karamihan sa atin, bata man o matanda.
Mga Sintomas ng Kabag
Kapag ang isang tao ay may kabag, maaari siyang makaranas ng ilan sa mga sintomas na ito:
- Pakiramdam ng kabusugan kahit hindi pa kumakain
- Pananakit ng tiyan
- Pagkakaroon ng hindi maginhawang pakiramdam
- Labis na pagdighay
- Pamimilog o paglaki ng tiyan
Kung ang isang tao naman ay nakakaramdam ng malubhang kabag, maaari siyang makaranas ng sumusunod:
- Pagduduwal o pagsusuka
- Biglaang pamamayat
- Pagtatae
- Pagdumi ng may dugo
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagkaranas ng heartburn o pangangasim ng sikmura na may kasamang paninikip ng dibdib
Mga Sanhi ng Kabag
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/fat-boy-much-weight-eat-pizza-1096673543
Ang pangunahing sanhi ng kabag ay ang pagkakaroon ng labis na hangin sa tiyan ng isang tao. Narito ang ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng sobrang hangin sa tiyan:
- Uri ng pagkaing kinakain: kapag ang isang tao ay nasobrahan sa pagkain ng mga produktong mayaman sa carbohydrate at fiber, maaari siyang makaranas ng kabag. Ganito rin ang mangyayari kapag siya ay kumain ng dairy, beans, legumes, at mamantika, matamis, at maalat na pagkain. Bukod pa dito, maaari ring magdulot ng kabag ang soft drink at iba pang matatamis na inumin.
- Dami at paraan ng pagkain: nakakapagdulot din ang kabag ang paraan ng pagkain ng isang tao. Kapag siya ay masyadong mabilis kumain, maaaring magkaroon siya ng labis na hangin sa tiyan. Ang pagkain ng marami ay pwede ring mag sanhi ng kabag, kaya naman dapat ay maghinay-hinay sa pagkain.
- Paninigarilyo: sa tuwing naninigarilyo ang isang tao, nakakahigop din siya ng dagdag na hangin na maaaring maipon sa kanyang tiyan. Maaari ring makaapekto ang nicotine at iba pang kemikal na nasa sigarilyo ng pagkairita ng bituka, na siyang nagdudulot ng pamamaga at pananakit ng tiyan na kalaunan ay magiging kabag.
- Sobrang pag-inom ng alak: kapag ang isang tao ay labis uminom ng alak, maaari siyang makaranas ng pangangasim ng sikmura. Ang kondisyong ito ay pwedeng magdulot ng pagkapinsala ng lining ng bituka at pagkasira at pamamaga nito. Sa pamamaga ng bituka, maaari itong pamahayan ng mga bacteria, na siyang nagdudulot ng impeksyon at kabag sa tiyan.
- Pagtitibi: ang pagtitibi o constipation ay nangyayari sa tuwing ang isang tao ay hindi makadumi o mayroong sobrang tigas na dumi. Nakapagdudulot ito ng kabag dahil hindi nailalabas lahat ng dumi sa tiyan.
- Iba pang karamdaman sa tiyan: bukod sa mga sanhing nakalista sa itaas, maaari ring makapagdulot ng kabag ang mga sakit sa gastrointestinal tract. Ilan na dito ang impeksyon sa tiyan, irritable bowel syndrome (IBS), celiac disease, at inflammatory bowel disease.
Gamot sa Kabag
May mga kabag remedy na maaaring gawin sa bahay. Isa na rito ang paggamit ng hot compress at paglalagay nito sa tiyan. Makakatulong ito para i-relax ang muscles ng tiyan para tulungang makalabas ang hangin na na-trap sa bituka.
Pwede ring uminom ng tsaa o tubig na may halong apple cider vinegar na makakatulong para mapabuti ang sintomas ng kabag. May kakayahan din ang mga inumin na ito para mawala ang gas pain nang mas mabilis.
Isa naman sa pinakasimpleng gamot sa kabag ay ang paglalabas ng gas sa pamamagitan ng pag-utot at pagdumi. Sa tulong ng mga ito, mas madaling mababawasan ang hangin na naipit sa tiyan.
Kapag hindi pa rin gumana ang mga kabag remedy na nakalista sa itaas, maaari nang uminom ng gamot ang may karamdaman. Isa sa mga pwede niyang inumin ay RM Bisacodyl 5 mg Tab na makakatulong para makadumi ang isang tao. Sa pamamagitan ng gamot na ito, mailalabas ng taong may kabag ang laman ng kanyang tiyan, kasama na ang hangin na naipit dito.
Paano Maiiwasan ang Kabag
Maraming pwedeng gawin ang isang indibidwal para maiwasan ang pagkakaroon ng kabag. Narito ang ilan sa mga iyon:
- Kumain nang kaunti at mabagal: dahil nagiging sanhi ng kabag ang labis at mabilis na pagkain, ang pag-iwas sa mga ito ay makakatulong para iwasan ang karamdamang ito.
- Mag-ingat sa uri ng pagkaing kinakain: para maiwasan ang pagkakaroon ng kabag, dapat ay bantayan ng isang indibidwal ang kanyang kinakain. Kailangan niyang iwasan ang labis na pagkain ng matatamis, maaalat, at mamantikang pagkain. Mainam din kung babawasan niya ang pagkain ng mga produktong mayaman sa carbohydrates, fiber, at dairy.
- Bawasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo: dahil ang mga bisyo na ito ay madalas maging sanhi ng kabag, marapat lamang na bawasan ang mga ito. Bukod sa pag-iwas sa kabag, makakatulong din ito sa pagpapabuti ng iyong kalusugan.
- Damihan ang pag-inom ng tubig: para maiwasan ang pagtitibi na siyang nagiging sanhi ng kabag, dapat ay uminom ng maraming tubig ang isang tao. Ang minimum na dami ng tubig na dapat niyang inumin ay 8 baso kada araw.
- Mag-exercise araw-araw: sa pamamagitan ng paggalaw ng katawan dahil sa exercise, maaaring mailabas ng isang tao ang labis na hangin sa kanyang katawan. Nakakatulong din ito para mas mabilis matunaw ang kinain ng isang indibidwal.
Kadalasan, ang kabag ay isang simpleng kondisyon lamang. Ngunit kung nakakaapekto na ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao, marapat lang na lunasan na ito gamit ang mga kabag remedy na pwedeng gawin sa bahay o sa tulong ng gamot. Kapag naman malubha na ang kalagayan ng isang taong may kabag, dapat ay magpakonsulta na siya sa doktor para malaman ang totoong dahilan ng kanyang mga sintomas.
Sources:
https://mediko.ph/karamdaman/kabag-gas-pain/
https://www.ritemed.com.ph/articles/9-epektibong-home-remedies-sa-kabag