Ang pagtaas ng cholesterol ay isa sa mga pinaka-karaniwang sanhi ng sakit sa puso at altapresyon. Kailangang mapanatili ang normal cholesterol level at mabawasan ang triglycerides (taba) para sa ikagaganda ng kalusugan. Malaki ang maitutulong dito ng pagkain ng low cholesterol foods at pagkakaroon ng tamang diet.
Usong-uso pa naman tuwing summer ang food trip. Dahil dito, kailangang katamtaman lang ang konsumo ng pagkain at umiwas sa mga high cholesterol foods tulad ng matatabang karne. Kumain ng mas maraming good cholesterol foods ngayong tag-araw. Narito ang lima sa pinakamabubuting summer foods para sa mga taong mataas ang cholesterol.
Oatmeal
Photo from Pixabay
Ang oatmeal ay nagtataglay ng soluble fiber na may kakayahang bawasan ang pagsipsip sa low-density lipoprotein (LDL) cholesterol ng dugo. Ang beta-glucan -- ang klase ng fiber na nahahanap sa oats -- ay humihigop ng LDL at ilinalabas ito sa ating pagdumi. Ayon sa mga eksperto, ang pagkonsumo ng 20 hanggang 35 grams ng fiber sa luob ng isang araw ay mabuti sa katawan, lalo na sa mga matataas ang cholesterol.
Para sa masarap na almusal, maaaring i-pares ang oatmeal sa prutas, skim milk at hot chocolate. Bukod sa pagpapababa ng cholesterol, magbibigay ang kombinasyon na ito ng dagdag na enerhiya para sa iyong mga pang-araw-araw na gawain.
Avocado
Photo from Pixabay
Masagana ang avocado sa monounsaturated fatty acids, na nagpaparami ng HDL cholesterol o good cholesterol sa katawan. Kinukuha ng good cholesterol ang bad cholesterol sa mga ugat at dinadala ito sa atay upang mailabas sa ating sistema. Bukod sa good cholesterol, naglalaman din ang avocado ng beta-sitosterol, isang uri ng plant fat na pinipigilan ang pag-imbak ng cholesterol sa katawan.
Bagay ang lasa ng avocado sa summer season. Maaaring gumawa ng mga guacamole dip na ipapares sa gulay at karne. Pwede din itong ihalo sa salad at gawing shake at ice cream.
Nuts
Ang mga nuts tulad ng walnuts, almonds, hazelnuts, peanuts, cashews, at pistachios ay naglalaman ng monounsaturated at polyunsaturated fatty acids. Ang pagkain ng 1.5 ounces ng walnuts araw-araw, sa luob ng isang buwan, ay magdudulot ng pagbaba sa kabuuang cholesterol (5.4%) at LDL cholesterol (9.3%) levels.
Masustansya man ang nuts, ito ay mataas sa calories. Dapat wasto ang dami ng kakainin upang hindi tumaba. Ihalo ito sa mga salad, idagdag sa cereal o gawing afternoon snack pagkatapos mag-swimming sa beach.
Isdang Mayaman sa Omega-3
Photo from Pixabay
Ang salmon, tuna, at iba pang fatty fish ay puno ng Omega-3 fatty acids, na kilalang nagpapababa ng triglycerides at LDL cholesterol sa dugo. Ayon sa American Heart Association, dapat kumain ng hindi baba sa 3.5 ounces ng fatty fish kada linggo upang maramdaman ang mga benepisyo ng Omega-3.
Napakasarap kumain ng isda tuwing summer. Habang tinatanaw ang karagatan, mag-ihaw ng tilapia, plapla, salmon o tuna. Isawsaw ito sa toyo na may suka o kalamansi para sa malinamnam na tanghalian.
Soy
Tulad ng isda, and tofu ay masagana sa protina, Omega-3 at good cholesterol. Wala rin itong LDL cholesterol, na bumabara sa ating arteries kung saan nagdudulot ito ng mga siryosong sakit. Ang pagkonsumo ng 25 grams ng soy protein ay kayang pababain ang dami ng bad cholesterol nang 5-6%. Bukod sa pagtatanggal ng bad cholesterol, ang tofu at iba pang soy products ay mayaman sa fiber, magnesium, calcium at vitamin B.
Likas na mahilig ang mga Pilipino sa soy. Ang taho ay gawa sa soy. Pwede rin itong kapalit ng karne ng baka sa pagluluto ng “bistek tagalog” at sahog sa vegetable dishes tulad ng chopsuey.
Ngayong tag-init, hindi ka mauubusan ng healthy options. Ang kagandahan sa mga pagkaing tinalakay ay tutulungan ka nga mga ito pababain ang iyong cholesterol, habang hindi nagkukulang sa kasarapan. Tiyak na mag-eenjoy ka sa iyong summer food trip.
Tandaan:
Mabuti na kumonsulta sa inyong doktor upang mabigyan kayo ng tamang gamot para mapababa ang inyong kolesterol.