Kung may isang pagkain ang matatagpuan sa lahat ng klase ng handaan sa Pilipinas, ito ay ang kanin. Sa lahat ng okasyon na may kainan, hindi pwedeng walang kanin na nakahain sa hapag. Bukod sa mismong sinaing na kanin, paborito rin nating mga Pinoy ang lugaw, champorado, biko, at iba pang mga kakaning may sangkap na malagkit na bigas.
Ngunit dahil dumarami na rin ang mga health conscious kagaya ng ilang may sinusundan na ketogenic o keto diet plan, naglabasan na ang iba’t ibang artikulo tungkol sa hindi magandang dulot ng kanin sa kalusugan. Ayon sa mga ito, ang kanin daw kasi mayaman sa calories at mataas ang bilang ng starch content kaya nakadadagdag sa timbang ng tao.
Epektibong paraan ng pagda-diet na may kanin
Totoong malaki ang ambag ang kanin sa mabigat na timbang ng isang indibidwal, pero hindi ibig sabihin nito ay kailangan nang umiwas dito palagi kung nais magpapayat. Sa kaso ng ilang may kasama sa bahay na hindi naman nagda-diet at gustong kumain ng kanin lagi, maaari pa rin naman maging bahagi ng weight loss diet mo ang nakahiligang kanin.
Ang kanin ay mababa rin sa fat content, madaling tunawin, gluten-free, at mayaman sa vitamin B. Kung isa ka sa mga “kanin is life” at nais mong huwag iwasan nang tuluyan ang kanin kahit na nagda-diet, heto ang ilang epektibong paraan:
- Bawasan ang dami ng kanin sa isang meal
Ito na marahil ang pinaka-straightforward na paraan upang ma-enjoy pa rin ang kanin kahit na nagbabawas ka ng timbang. Kung mas mababa na ang carbohydrate at calorie intake mo dahil mas konti ang kanin, mas madali mo na rin itong masusunog. Kung dati ay isang cup of rice ang kasama ng isang meal mo, maaari mong umpisahan na kalahatiin muna ito bago bawasan pa lalo habang tumatagal. Ang general rule sa ganitong klase ng diet plan ay huwag na magkanin bago at pagkatapos ng meal kung saan kumain ka ng kanin.
- Sabayan ng marami at iba-ibang klase ng gulay
Ang pagbabawas ng kanin sa meals ay maaaring magdulot ng pakiramdam na mabilis kang magutom kahit na kakakain mo pa lang. Bilang remedyo, mainam na samahan mo ito ng mga ihinaw na gulay na mayaman sa fiber at protein. Ilan sa mga ito ay broccoli, beans, at asparagus.
- Regular na mag-workout
Kahit sinong health expert ay sasabihin na hindi sapat ang basta lang magbawas ng kanin at kumain ng healthy diet foods para magbawas ng timbang. Dapat ay sunugin mo rin ang calories at fats sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Hangga’t maaari ay piliin mo ang workout regimen na swak sa weight loss goals mo upang mas efficient ang iyong effort.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/panoramic-banner-ten-different-varieties-rice-1606397632
Pagpili sa iba’t ibang klase ng kanin
Kagaya ng ibang pagkain, may pros at cons ang pagkonsumo ng kanin lalo sa mga gustong magbawas ng timbang. Maliban sa pagkontrol sa dami ng kanin sa iyong diet, dapat ay piliin mo rin ang klase nito na pinakaakma sa weight loss.
Ayon sa isang eksperto, mas mataas ang fiber content ng hand-pounded rice, red rice, at brown rice dahil hindi pa sila napoproseso kaya hindi pa natatanggal ang outer layer nito na nagco-contain ng karamihan sa fiber ng bigas. Kaya naman mapapansin na marami sa mga tips on how to lose weight ang nagrerekomenda na kumain ng iba-ibang coloured rice varieties kaysa sa white rice dahil sa angking bitamina, minerals, at antioxidants nito.
May apat na klase ng kanin na maaari mong pagpilian:
- Red rice – itong klase na ito ay naglalaman ng antioxidant na kung tawagin ay anthocyanin, na siyang dahilan sa pagkakaron nito ng mapulang kulay. Nakita sa mga pag-aaral na may partikular na properties ang red rice na makatutulong sa weight management, at ang nilalaman naman nitong manganese ay makatutulong na mapalakas ang iyong metabolism. Ang isang takal ng red rice na nasa 250 grams ay naglalaman ng 216 calories.
- Brown rice – kung ang red rice ay para sa weight management, ito naman ay mismong para sa weight loss. Dahil puno ng dietary fiber ang brown rice, nabu-boost din nito ang iyong metabolism. Swak itong gamitin sa lugaw na may chicken breast o fish chunks. Ang 100 grams ng brown rice ay naglalaman ng 111 calories.
- Black rice – kilala rin bilang wild rice, itong unpolished rice ay mayaman sa micro-nutrients gaya ng zinc, vitamin B6, niacin, folate, at phosphorous. Magaan din ito sa tiyan kumpara sa ibang uri ng kanin. Ang isang takal ng black rice naglalaman ng 280 calories.
- White rice – sa apat na klase, ito ang may pinakamababang dami ng nutrients, minerals, at fiber dahil nabawasan na sa industrial processing. Kung ikaw ay diabetic, mainam na bawasan o iwasang kumain nito dahil ito’y high glycemic index ingredient. Ang 100 grams ng white rice ay naglalaman ng nasa 150 calories.
Ngayong alam mo nang hindi kailangan iwasan nang tuluyan ang pagkain ng kanin kung may sinusundang low-calorie diet program, mas mae-enjoy mo na ang pakikisalo sa mga handaan. Hindi na maaalis sa ating pagka-Pinoy ang kumain ng kanin pero maraming paraan para hindi nito mahadlangan ang kagustuhan mong magbawas ng timbang.
Sources:
https://www.ndtv.com/food/weight-loss-heres-how-to-eat-white-rice-on-a-weight-loss-diet-1981591
https://food.ndtv.com/food-drinks/what-kind-of-rice-is-best-for-weight-loss-1786462