Hindi matatawaran ang halaga ng pagkakaroon ng malusog na pangangatawan. Nagsisimula ang pagpapahalaga sa ating kalusugan sa paniniguradong mayroon itong sapat na sustansya at bitamina. Ang katawan na may sapat na sustansya at bitamina ay mas mataas ang tyansa na makaiwas sa sakit.
Sa katunayan, ang karamihan sa atin ay umiinom ng mga supplementary vitamins para masigurong kumpleto sa vitamins at nutrients ang ating katawan. Pero huwag kalilimutan na ang pagkakaroon ng sapat na sustansya ay nagsisimula sa ating kinakain.
Pero paano kung sa ating pagkain mismo nagmula ang sakit?
Maraming iba’t ibang food and waterborne diseases ang posibleng makuha sa madumi o hindi sariwang prutas, gulay, at karne. Mayroong mga food-related diseases na lubhang makakapagpahina sa katawan o ‘di naman kaya ay magreresulta pa sa kamatayan.
Ang salmonella, E.coli at norovirus ay iilan lang sa mga karaniwang foodborne diseases na dumadapo sa milyon-milyong tao sa buong mundo kada taon. Kaya naman napakahalaga ng pagkakaroon ng food safety and awareness upang masigurong malinis at ligtas ang ating hinahain sa hapag-kainan.
Ano ang food safety at awareness
Ang food safety ay scientific conditions at practices patungkol sa tamang pag-handle, pag-prepare, at pag-store ng pagkain upang mabawasan ang risk na magkaroon ito ng bacteria at viruses na maaaring magdulot ng foodborne diseases. Samantalang ang food awareness naman ay ang mga kinaugaliang gawain ng isang wais na mamimili para masigurong clean and healthy food ang kanyang inuuwi at hinahain.
Habang papalapit na ang Food Safety Awareness Week ngayong Oktubre, mabuting paalalahanan natin ang sarili at ang ating kapwa ng ilang pamantayan para masigurong laging sariwa at ligtas sa foodborne diseases ang prutas, gulay, at karne na ating binibili sa merkado.
Heto ang ilang food safety and awareness tips hatid ng RiteMed para matiyak na malinis ang mga sangkap sa gagamitin sa pagluluto.
Ilang payo sa pagpili ng prutas at gulay
Kapag bibili ng prutas at gulay, importanteng gamitin ang inyong sense of sight, smell, and touch upang makita kaagad ang ilang senyales na lumampas na sa pagkahinog o malapit nang mabulok ang prutas at gulay.
- Saging – Ang mga hinog na saging ay predominantly bright yellow ang kulay at mayroong maliliit na dark spots. Kapag mas maraming dark spots kaysa sa dilaw ibig sabihin nito ay overripe na ang saging.
- Pinya – Piliin ang mga pinya na mabigat para sa kanyang size at mayroong malutong na dahoon. Ang mga magagandang pinya ay mayroon ding manamis-namis na aroma.
- Mangga – Malalaman mong magandang klase ang mangga kapag malambot ito at mabango ang tangkay.
- Mansanas – Siguraduhing walang dent o damage ang labas ng mansanas. Ang mga mansanas na damaged ang labas ay mas mabilis masira.
- Oranges – Tingnan kung makinis at firm ang balat ng orange at iwasan ang mga pirasong may bahid ng pamumuti.
- Repolyo – Suriing mabuti kung siksik ang mga dahon at firm sa bandang tangkay.
- Pipino – Iwasan ang mga pipino na mayroong yellow or white spots.
- Patatas – Pakiramdaman ang balat upang masiguro ang firmness ng patatas. Tulad sa mansas, iwasan din ang mga patatas ng may dents o senyales ng pagkabugbog.
- Kamatis – Pakiramdaman ang balat para sa mga kulubot na maaaring makapagpabilis ng pagkabulok.
Paano makasigurong sariwa at malinis ang karne at isda
Hindi kumpleto ang hapag-kainan kung walang karne o isda. Ang mga ito ay importanteng sangkap sa karamihan ng putaheng Pinoy at mahalagang pagkukunan din ng protein na makatutulong sa pag-develop ng bones at muscles. Sa kasamaang palad, ang karne at isda ay madaling dapuan ng bacteria at mikrobyo.
Kaya naman dapat nakasisiguro ang bawat mamimili na malinis at sariwa ang karne na kanilang binibili at hinahain. Tulad sa pagpili ng prutas at gulay, ang isang wais na mamimili ay gumagamit ng kanyang senses sa pagsusuri ng karne at isda.
- Baboy – Iwasan ang mga piraso ng baboy na may pagka-brown or black dahil isa itong tiyak na senyales na sira na o malapit nang masira ang baboy. Piliin ang baboy na mamula-mula ang kulay at hindi malansa ang buto.
- Baka – Ang sariwang karneng baka ay kulay pula at firm. Huwag bumili ng mga pirasong nangingitim na dahil ibig sabihin nito ay matagal na itong exposed at malapit nang masira.
- Poultry – Makrema at manilaw-nilaw ang balat ng sariwang manok habang pinkish naman ang kulay ng laman. Huwag bumili ng manok na may baling buto dahil maaaring senyales ito ng mishandling.
- Isda – Iwasan ang mga isdang lubog na lubog at medyo malabo ang mata. Piliin ang mga isda na mapula ang hasang. Importante ring tandaan na gaya ng karne, dapat panatilihin itong frozen.
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/man-cutting-beef-meat-624032513
Napakahalaga na marunong kumilatis ang isang mamimili ng prutas, gulay, at karne. Pero marahil ay mas importante pa rito ay ang pagbili sa mga tried and tested na manininda upang makasigurong malinis at sariwa ang bibilhing sangkap. Sa mga suking tindero, makatitiyak tayo sa kalidad ng kaniyang mga produkto. Ugaliin ding tanungin ang mga tindero tungkol sa credentials ng kanilang suppliers upang makilatis kung sumusunod sila sa wastong food delivery and handling guidelines.
Kung bago ka naman sa isang lugar o napadaan lang para mamili ng kaunting sangkap, ang unang mahalagang pansinin ay kung mayroon bang sapat na sanitation measures ang lugar. Malinis ba ang paligid sa labas ng pamilihan? Masinop ba ang bawat kwadra sa loob? At sumusunod ba sa wastong food storing, handling, distributing, at disposal guidelines ang mga nagtitinda?
Mainam ding maging aware sa shelf life ng iba’t ibang food and beverages. Bago bilhin ang isang sangkap, tanungin ang sarili kung magagamit mo ba ito bago ito mag-expire o mabulok upang maiwasan ang wastage. Kasama sa katangian ng isang wais na mamimili ang pagiging efficient sa pagpili ng mga sangkap.
Tandaan na nakasalalay sa pagpili ng sariwa at malinis na prutas, gulay, at karne ang kalusugan mo at ng iyong mga mahal sa buhay. Isabuhay ang food safety and awareness upang mapa-level up ang proteksyon ng pamilya laban sa iba-ibang sakit o karamdaman. Ipamahagi ang kaalamang ito sa kapwa at sabay-sabay nating labanan ang paglaganap ng sakit.
Source:
https://www.foodtown.com/articles/select-fresh-fruits-vegetables