Sa panahon ngayon, kailangan mabilis kumilos, hindi dapat manatili nang matagal sa isang lugar lalo na kung matao, at kailangan lalong maging mas maingat. Lahat ng ito dapat ikonsidera sa tuwing lumalabas ng tahanan. Lalo na kung tutungo sa mga lugar na dagsain ng mamimili.
Ngayong panahon ng pandemya, maraming Pilipino ang limitado ang oras ng gawain at labis na nag-aalala para sa kaligtasan ng sarili at ng mga mahal sa buhay. Walang may nais na makompromiso. Kaya sa mga importanteng gawain tulad ng pagpunta sa palengke o supermarket, dapat siguraduhing handa ang pupunta roon. Dapat may ideya ang bawat isa kung anong dapat asahan sa pagtungo sa matataong lugar.
Para mapadali ang pamimili ng marami sa atin, narito ang ilang tips na makatutulong at dapat tandaan o gawin, para maging maayos at may sistema ang pamamalengke sa pamilihan o supermarket.
- Gumawa ng listahan
Sa paghahanda nagsisimula ang isang maayos at less hassle na pamimili. Gumawa ng grocery list. Sa bahay pa lang, sigurudahin nang maayos ang listahan ang mga dapat bilhin. Subukan ding ilista ang kailangan nang naaayon sa lokasyon nila sa pamilihan para maiwasan ang sobrang paglilibot.
Halimbawa, kapag ililista ang manok, baboy, baka, at isda, mainam kung magkakasunod sila sa listahan dahil magkakalapit lang naman ang mga ito sa grocery market o pamilihan. Magkalapit din ang mga gulay at prutas sa iba pang rekado at spices.
- Mamili nang maaga
Dahil karamihan ng mga lungsod partikular na sa Metro Manila ay wala nang allocated time para lumabas nang bahay, maaari nang gumising nang maaga at maghandang nang mas maaga para makaiwas sa maraming tao. Kapag maaga sa palengke, lalo na kung sa wet market, mas malaki ang tiyansa na sariwa pa ang aabutang mga bilihin tulad ng isda at gulay. Puwede ring sa katapusan ng linggo mamili para naman siguradong bagong katay ang mga bibilhing karne.
Kapag mas maaga ring namili, mas maraming oras ng araw rin ang mailalaan para sa ibang makabuluhang gawain tulad ng paglilinis sa bahay, pagta-trabaho, o pakikipaglaro sa mga bata o alaga sa bahay.
- Gamitin ang ilong at mata
Dapat lamang na maging mapagmatiyag sa mga produktong nakalabas o nakalatag para madaling makita ng mamimili. Maging mapanuri sa mga bibilhin lalo na kapag grocery shopping.
Sa mga supermarket, madalas na naka-plastic na ang mga prutas o ilang gulay at pangrekado na binebenta. Pumili ng mga gulay o prutas na mayroon pang tangkay o dahon. Isa itong palatandaan na maaaring bagong ani o pitas ang mga ito.
Tingnang mabuti kung may mga nangingitim na na parte sa mga gulay, subukan ding hawakan kung lumalambot na ba ang ilang prutas na dapat ay may katigasan. Amuyin din ang mga ito kung may kakaiba na itong sangsang.
Ganoon din dapat sa karne at isda. Tingnan ang kulay ng mga ito kung mamumula-mula o namumutla. Tanungin ang tindera or tindero kung maaaring mahawakan ang binebenta.
Tingnan ang mga mata ng isda kung may bakas ng pagkabilasa. Palatandaan ng sariwang isda ang pagiging malinaw ng mga mata nito. Dapat ring madulas pa ang katawan nito at pulang pula ang hasang.
Mainam din na magbaon ng maliit na bote ng alcohol kung sakaling hahawakan ang mga paninda sa palengke dahil madalas ay walang hugasan ng kamay doon.
- Matutong tumawad, pero maging makatarungan
Kung sa palengke tutungo, mas mabuti kung makalilikha ng mabuting relasyon bilang “suki” sa isang tindero, tindera, o may puwesto sa palengke. Kapag gayon, mas malaki ang tiyansa na makahingi ng malaking tawad sa madalas nang pagbilhan. Ang ganitong uri ng relasyon ay bumubuo ng pagtitiwala sa isa’t isa.
Sa ganitong paraan, maaari ring makahingi ng ilang mas maagang order ng karne, o gulay, o prutas, o isda kahit wala pang dumarating na supply. Dahil nakabuo na ng pagtitiwala bilang magsuki, maaari nang makiusap nang mas sariwa, at mas magandang klase ng produkto.
Kung ilang naman lumikha ng koneksyon sa ibang tao, matuto pa ring tumawad sa ilang pagkakataong nakadududa ang presyo ng bilihin. Magkumpara sa ibang puwesto. Pero pagdating sa tawaran, dapat maging makatarungan sa pagbababa ng presyo. Isaisip na kailangan mang magtipid, kailangan ring kumita ng nagbebenta.
- Magdala ng sariling bayong
Bukod sa makatutulong sa kalikasan ang pagbabawas ng paggamit ng plastic bag, mas madali ring magbitbit ng mga pinamili kung nasa isang malaking bayong lang ang mga ito. Mas madali ring bumili ng maramihan kung may sariling lalagyan.
Halimbawa, sa mga pagkakataong nauubusan ng mga panglutong sangkap na madalas gamitin sa kusina tulad ng asin, paminta, toyo, asukal, patis, at suka, mas maiiwasan ang pagbabalik-balik sa merkado kung bibili ng bultuhan at mag-supply na lamang sa bahay.
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/woven-baskets-sale-dilli-haat-new-1562361238
Dagdag pa sa limang mungkahi na ito, dapat tandaan na sa panahon ngayon, dapat maging mas maagap at maalam sa mga nangyayari at pagbabago sa paligid at ating komunidad. Sumunod sa mga protocol na nilatag ng mga nasa awtoridad para maging ligtas. Huwag ding kalimutan na sa paghahangad nating maging ligtas, dapat rin nating bantayan ang kaligtasan ng ibang nakapaligid sa atin.
Tandaan rin na bilang mamimili at mabuting indibidwal sa lipunan, kumilos nang naaayon lamang sa pangangailangan at iwasang maging labis sa pagbili.
Sources: