Ano ang antioxidants at paano ito nakatutulong sa atin

March 23, 2020


Ano ang antioxidants?

Madalas siguro nating nababasa o naririnig sa benefits ng iba’t ibang pagkain o produkto ang salitang antioxidants, lalo na sa mga prutas, gulay, at iba pang “natural” products. Ang antioxidants ay mga sangkap na maaaring makatulong sa pag-iwas o pagpapabagal ng pagkasira ng cells sa katawan dulot ng free radicals – ilan sa nagdadala ng sakit sa puso, kanser at iba pang mga sakit.

 

Para mas maunawaan natin ang kalahagahan nito sa katawan, alamin natin kung ano pangunahing trabaho ng antioxidants at paano nito napapabuti ang ating kalusugan.

 

Saan nakakakuha ng antixodants?
May dalawang uri na maaaring pagkunan ng antioxidants. Ang antioxidants ay maaaring natural o napo-produce sa loob ng katawan. Tinatawag itong endogenous antioxidants. Kung galing naman sa ibang sources ang antioxidants, gaya ng sa pagkain o halaman, kilala ito bilang exogenous antioxidants.

 

Ang mga pinakamahuhusay na antioxidant source ay ang mga prutas at gulay. Kadalasang tinatawag na super food o functional food ang mga pagkaing ito.

 

Anu-ano ang iba’t ibang antioxidants na kailangan ng katawan?
Maraming iba’t ibang uri ng antioxidants na nagtutulong-tulong para puksain ang free radicals sa katawan. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang role, at maaari rin itong humalo sa iba pang uri para maging mas epektibo.

 

Tingnan natin ang pito sa mga ito, ang benefits na kanilang dala, at kung anu-anong pagkain ang dapat isama sa ating diet para makuha ang mga ito:

 

Vitamin A


Function: Nakakatulong ito sa pagpapanatili ng linaw at lisik ng mga mata. Mainam din ito para makaiwas sa iba’t ibang eye disorders gaya ng keratomalacia.

 

Sources: Matatagpuan sa atay, carrots, broccoli, kamote, kalabasa, dairy products, melon, at ibang green vegetables gaya ng spinach at kale.

 

 

Vitamin C


Function: Dahil ang free radicals ay sumisira ng healthy cells, mas mapapababa ang risk sa pagkakaroon ng mga sakit kung matibay ang immune system. Ang Vitamin C, kilala rin bilang ascorbic acid, ay nagpapalakas ng resistensya laban sa mga sakit – maging sa mga health conditions na hindi dala ng free radicals. Bukod dito, marami pang Vitamin C benefits na makukuha sa pagsama nito sa ating diet. Ilan sa mga ito ang:

 

Mas mababang risk sa pagkakaroon ng kanser, cardiovascular diseases, mga sakit habang nagbubuntis, at ilang mga sakit sa mata;
Pamamahala sa stress;
Pag-iwas sa mga seryosong komplikasyong dala ng mga sakit; at
Mula sa mga Vitamin C serum, pagpapabagal ng pagkulubot ng balat at iba pang signs of ageing


Sources: Ilan sa Vitamin C foods ay mga prutas at gulay gaya ng orange, berries, at bell pepper. Nakukuha rin ito mula sa mga vitamins gaya ng best Vitamin C na inirerekomenda ng inyong doktor o kaya naman ay sodium ascorbate.

 

Vitamin E


Function: Ito ang uri ng antioxidant na nakaimbak sa taba o fat. Ito ang lumalaban sa free radicals na umaatake sa fats sa cell walls. Kilala rin ito sa pagpapanatili ng healthy skin, hair, at nails.

 

Sources: Matatagpuan ito sa mga prutas gaya ng kiwi at avocado, berde at madadahon na gulay, gatas, at nuts. Mayroon din nito sa Vitamin E supplements.

 

Beta carotene
undefined

Function: Kailangan ito ng katawan para magkaroon ng Vitamin A. Dahil dito, katulong ito sa pagpapanatili ng good eye health at malinaw na paningin. Kailangan din ito para mapalakas ang immune system.

 

Sources: Mayaman sa beta carotene ang mga pagkain gaya ng carrots, sibuyas, peas, spinach, at kalabasa.

 

 

Lycopene
Function: Ito ay isang plant-based nutrient na umaaktong antioxidant. Mabuti ito para sa kalusugan ng puso at panlaban sa iba’t ibang klase ng kanser. Sa mga pagkain, ito ang nagbibigay ng kulay red o pink na anyo.

Sources: Ilan sa mga pagkaing may lycopene ay ang kamatis, pakwan, suha, bayabas, papaya, at red bell peppers.

 

Lutein
Function: Tinutulungan nitong protektahan ang mga mata mula sa retina damage na galing sa ilaw o liwanag. Ang nutrient na ito ay panlaban din sa eye disorder na age-related macular degeneration at mga kondisyon gaya ng diabetes, cancer, at heart diseases.

 

Sources: Ang mga berde at madadahong gulay gaya kale at spinach. Kasama rin dito ang mais, green peas, at papaya.

 

 

Selenium
Function: Mabuti ito para sa thyroid at napag-alamang maaaring makatulong magpababa ng risk ng cancer, cardiovascular diseases, at maagang pagkalimot.​

 

Sources: Mayroon nito sa nuts, laman-loob ng hayop gaya ng atay, seafood gaya ng tuna, beef, poultry products, at grains.

 

 

Mas makabubuting kumain ng mga natural na pagkaing nagtataglay ng antioxidants at gawing pandagdag lamang ang supplements o pills.

 

 

Antioxidants vs. Free Radicals
Tinatawag ding "free radical scavengers" ang antioxidants. Ito ay dahil sa kakayahan nitong puksain ang mga nagdadala ng pinsala sa katawan gaya ng free radicals.

 

Ang free radicals naman ay molecules na sumisira ng healthy cells habang pinoproseso ng katawan ang pagkain at ang reaksyon nito sa kapaligiran. Sinisira nito ang cells sa tungkulin ng mga ito sa katawan. Kilala rin ang free radicals bilang reactive oxygen species o ROS.

 

Maaaring internal ang sanhi ng mabilisang produksyon ng free radicals, tulad ng pamamaga, at ang external na sanhi gaya ng polusyon, paninigarilyo, o exposure sa UV rays.  Posible ring dahil ito sa response ng katawan sa mga maling pagkain, kapaligiran, paglanghap ng usok ng sigarilyo, o pagka-expose sa radiation.

 

Ang mga antioxidant ay ang pumipigil sa oxidation, o sa prosesong makagawa ng mga free radicals na maaaring humantong sa chain reaction na makakapinsala sa cells ng tao. Ang antioxidant gaya ng ascorbic acid ay nakakatulong para mapigil o matapos ang ganitong chain reaction, at nakakatulong upang mapalakas ang pangkalahatang kalusugan.

 

Importante ang regular na pagkonsumo ng iba’t ibang sources ng antioxidants dahil kung walang kakayahan ang katawan na mag-proseso o mag-alis ng free radicals, maaari itong mag-resulta sa tinatawag na oxidative stress.

 

Anu-anong activities ang nagdudulot ng oxidative stress?
Ang mga antioxidant ay proteksyon para sa pagkasira ng cell na tinatawag na oxidative stress dulot ng free radicals. Ito ang ilan sa activities o mga insidente na maaaring makapag-trigger ng oxidative stress sa katawan:

 

Sobrang pag-eehersisyo;
Tissue trauma dala ng injury o pamamaga;
Paninigarilyo;
Pagkain ng mga processed food, artificial sweeteners, at additives;
Polusyon sa kapaligiran;
Radiation; at
Exposure sa mga kemikal gaya ng pesticides o droga.


Para maging malayo sa mga sakit o komplikasyon sa kalusugan, ugaliing magsama ng mga pagkaing mataas sa antioxidants tulad ng mga prutas at gulay. Palakasin ang immune system sa pamamagitan ng mga ito, samahan pa ng regular na ehersisyo at wastong lifestyle para sa mas magandang resulta.

 

 

Sources:

https://www.webmd.com/diet/features/the-benefits-of-vitamin-c#1

https://www.medicalnewstoday.com/articles/301506

https://www.healthline.com/nutrition/antioxidants-explained#bottom-line

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/multimedia/antioxidants/sls-20076428?s=5

https://www.webmd.com/food-recipes/ss/slideshow-all-about-antioxidants

https://www.everydayhealth.com/skin-beauty/what-are-benefits-risks-vitamin-c-serums/