Tea, coffee, soda, juice, energy drink, at alak. Ilan lang ito sa mga madalas inumin ng marami sa atin. Kung may birthday, kung may mga piling selebrasyon sa buhay, o kahit sa normal na araw lang sa hapag, madalas natin makita ang mga ito. Bukod kasi sa madali ang mga itong bilhin sa pinakamalapit na tindahan, nakahuhumaling din ang lasa ng mga ito.
Pero lingid sa kaalaman ng nakararami, may nag-iisang kampeon sa katawan ng kahit sinong indibidwal. Ito ang nag-iisang ligtas na inumin na walang kahit anong maitatalang bad side-effect kahit pa maya’t maya inumin. Ano pa, walang iba kundi tubig. Ika nga , “A glass of water can keep some illnesses away.”
Benepisyo ng tubig sa katawan
Marami ring dahilan kung bakit napakahalagang uminom ng tubig araw-araw. Una na rito ang pagmimintena ng temperatura ng katawan. Nandyan din ang pag-iwas sa masakit na kasukasuan dahil tubig ang naglu-lubricate ng mga ito. Tumutulong din ang tubig para makaiwas sa mga impeksyon, magdala ng sustansya sa bawat cell ng buong katawan, at panatilihin ang mga organ sa katawan na gumana nang maayos.
Bukod sa mga ito, nakatutulong din ang tamang pagha-hydrate para mapabuti ang pagtulog, gumana lalo ang utak, at para gumanda ang mood at mabawasan ang stress. Maliban sa mga ito, narito pa ang ilang benefits of water:
- Improves exercise performance
Maraming pag-aaral na ang nagpapatunay ng malaking tulong ng proper hydration sa pagiging aktibo ng mga atleta. Sa mga pag-aaral nito, napag-alaman din ng mga eksperto na bukod sa pisikal na lakas, naaapektuhan din ng dehydration ang mental aptitude ng mga atleta lalo na kung sasabak sa torneyo, patimpalak, o kahit simpleng ensayo lamang.
- Reduces headaches and migraines
Dahil nga malaki ang ambag ng tubig sa pagdadala ng tamang sustansya at lakas mula sa mga nutrients at bitamina mula sa pagkain tungo sa iba’t ibang parte ng katawan, kasama rin sa mga apektadong parte ng katawan ang ulo. May mga pag-aaral na ring nagkokonekta na ang pananakit ng ulo dulot ng migraine ay sanhi ng kakulangan ng katawan sa tubig.
- Helps prevent constipation
Trabaho ng tubig na padulasin at padaliin ang pagdaloy ng mga bagay-bagay, kasama na rito ang ating mga kinakain. Nakatutulong ang tamang dami ng pag-inom ng tubig upang mapadali ang mga proseso ng digestive system na nagreresulta naman sa mas normal at mas matiwasay na pagbabawas ng dumi.
May ilang pag-aaral ding nagsasabing nakatutulong ang fizzy water at mineral water para sa magandang resulta.
- Helps prevent kidney stones
Bukod sa digestive system, nakatutulong din ang pag-inom ng tamang dami ng tubig sa ating pag-ihi at pagbabawas ng hindi kaaya-ayang kemikal sa ating katawan. Sa katunayan, kung mataas ang sodium content ng kinakain ng isang indibidwal, mas nararapat lang na uminom ito ng tubig. Nakatutulong din to drink water habitually upang makaiwas sa kidney stones na kinatatakutan ng maraming taong mahilig sa maaalat na pagkain.
- Reduces hangover
May ilang pagsusuri nang nagsasabi na hindi man garantisadong naaagapan ng water hydration bago matulog ang hangover pagkatapos ng magdamagang pag-inom ng serbesa, may mga pag-aaral namang naggigiit na nakatutulong sa pagbabawas ng negatibong epekto ng alcohol ang pag-inom ng tubig. Dahil diuretic ang alcohol at nagdudulot ito ng pagbabawas sa lebel ng tubig sa katawan, pag-inom rin ng maraming tubig ang nakikitang solusyon dito.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-holding-glass-water-560718055
Ayon sa National Academy of Medicine sa Washington, D.C., U.S.A., nasa 11 na tasa (2.7 liters) ng tubig ang kinakailangan inumin ng isang babae sa loob ng isang araw at nasa 16 na tasa (3.7 liters) naman ang kinakailangan ng mga lalaki. Mukhang mahirap man daw itong gawin, hindi lang naman daw kasi sa pag-inom nakukuha ang tubig. Nakukuha rin ito sa ilang pagkain.
Kung nasanay namang umiinom ng matatamis na inumin at ayaw biglain ang katawan sa pagtanggal nito at ayaw biglain ang pagkasanay sa kawalan ng distinct na panlasang ito, maaari ring subukan ang pag-inom ng lemon water.
Bukod sa lasa, nakadadagdag din ng mapagkukunang vitamin C ang lemon water. Mas nakabubuti rin ito sa katawan dahil nakatutulong ito bilang detoxifying agent sa katawan. Mas mapapadali ang pag-iwan sa ilang bisyo at masisiguro nito ang mas mabilis na metabolism. May mga pag-aaral na ring nagsabing nakatutulong ito sa natural na pagbabawas ng timbang at nakagaganda rin ito ng kutis.
Kung hindi naman sanay sa kaibahan ng maasim na panlasang dala ng lemon sa tubig, maaari ring subukan ng iba ang warm water.
Nakatutulong naman ang warm water para guminhawa sa nasal congestion ang isang indibidwal. Naiibsan din nito ang ilang mababaw na problema sa overall digestion ng isang tao at napabubuti nito ang pagtakbo ng central nervous system.
Bilang panapos, ang pinakapunto lang ng artikulong ito ay paalalahanan ang lahat na huwag kalimutang uminom ng sapat na dami ng tubig araw-araw dahil mahalaga ito lalo na ngayong panahon na kinakailangan nating maging ligtas sa anomang uri ng sakit. Dapat laging mahalin at alagaan ang ating katawan.
Sources: