Hindi maikakaila na patuloy ang pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas at sa ibang parte ng mundo. Ayon sa datos, umabot na sa mahigit 349,000 ang bilang ng mga taong naapektuhan nito as of October 15, 2020, sapat upang umakyat sa ika-18 pwesto ang bansa sa dami ng kaso. Dahil ang ilan naman sa atin ay kinakailangang lumabas upang bumili ng mga pangangailangan o magtrabaho upang mapunan ang pang-araw-araw na gastusin, tayo ay mahigpit na binibilinang magsuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas ng ating mga tahanan.
Ngunit sa kabila ng pagsusuot ng mga nasabing Personal Protective Equipment (PPE), alam niyo ba na literal na “nakasalalay sa ating mga kamay” ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng virus?
Kahalagahan ng proper handwashing sa panahon ng pandemya
Sinasabing ang ating mga kamay ang pangunahing parte ng katawan na nagkakalat at madaling dapuan ng mikrobyo. Dahil ito ang ating madalas na ginagamit sa bawat pagkilos – mula sa pag-abot ng mga gamit hanggang sa pagsusulat, pagta-type sa keyboard, o hanggang sa pagkain – malaki ang tyansang maipasa ang virus sa iba kung ito ay hindi nahuhugasang mabuti. Karamihan sa atin ay alam naman ang kahalagahan ng paghugas ng kamay, ngunit may ilan pa rin ang hindi nakakagawa nito.
Narito ang pitong proper handwashing steps upang masigurong malinis ang ating mga kamay:
- Pagbasa ng kamay at pagsasabon
Basain nang maigi ang buong kamay gamit ang running water. Maglagay ng sapat na dami ng handwashing soap o anumang disinfecting soap upang masabunan ang buong kamay, pagkatapos ay sabay na ring pagkuskusin ang magkabilang palad nang paikot – pakanan at pakaliwa.
- Pagkuskos ng magkabilang likod ng mga kamay at ang pagitan ng mga daliri
Matapos na linisin ang mga palad, isunod namang kuskusin ang magkabilang likod na bahagi nito. Unahing kuskusin ang likod na bahagi ng kaliwang kamay, at ipasok ang mga daliri ng kanang kamay sa pagitan ng mga kaliwang daliri habang nakalapat ang kanang palad sa likod ng kaliwang kamay. Kuskusin nang pataas-baba ang likod ng kaliwang kamay at ang mga pagitan ng daliri nito gamit ang nakalapat na kanang kamay. Pagkatapos, palit naman ng pwesto upang sunod na malinisan naman ang kanang kamay.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/woman-properly-washes-her-hands-washing-1723318864
- Patuloy na paglilinis ng mga pagitan ng daliri
Ipagpatuloy ang paglilinis ng mga pagitan ng mga daliri nang padaupang-palad. Paghawakin ang magkabilang kamay at siguraduhing nakapasok ang mga daliri sa magkabilang pagitan nito. Pagkuskusin ang magkabilang pagitan at gilid ng mga daliri nang pataas-baba.
- Pagkuskos sa likod ng magkabilang mga daliri
Isunod namang kuskusin ang likod ng magkabilang mga daliri. Ilapat ang likurang bahagi ng mga daliri sa kabilang palad (kanang mga daliri sa kaliwang palad at kaliwang mga daliri sa kanang palad). Sabay namang kuskusin ang likurang bahagi ng magkabilang daliri gamit ang magkabilang palad nang pataas-baba.
- Pagkuskos sa magkabilang hinlalaki ng mga kamay
Matapos makuskos ang mga pagitan ng mga daliri, isunod naman ang ating mga hinlalaki. Hawakan ang kaliwang hinlalaki gamit ang kanang kamay, habang ang kanang hinlalaki naman ay nakalapat sa likurang bahagi ng kaliwang kamay. Kuskusin ang hinahawakang kaliwang hinlalaki nang paikot – clockwise at counter-clockwise na tila nagbubukas-sara ng isang bote ng tubig. Pagbaliktarin ang posisyon ng mga kamay upang malinis din ang kanang hinlalaki.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/proper-hand-washing-prevention-coronavirus-close-1715762695
- Pagkuskos sa mga dulo ng magkabilang kamay
Pagkatapos ng mga hinlalaki, sunod namang linisin ang dulo ng magkabilang mga daliri. Ilapat ang tuktok ng mga daliri sa kabaliktarang palad nito (nakalapat ang dulo ng mga daliri ng kanang kamay sa kaliwang palad). Kuskusin ang nakalapat na dulo ng mga daliri sa kabilang palad nang paikot – clockwise at counter-clockwise. Pagbaliktarin ng pwesto ang mga kamay at gamitin ang nasabing handwashing procedure sa kaliwang kamay naman.
- Pagbabanlaw at pagpapatuyo ng mga kamay
Banlawan nang maayos ang mga kamay gamit ang running water. Pagkatapos ay dampian ito ng tissue o anumang pamunas na wala pang bakas ng dumi o mikrobyo. Ngayon ay siguradong nahugasan na nang maayos ang magkabilang kamay. Ugaliing sundin ang proper handwashing technique na nakalahad para maiwasan ang pagkalat ng anumang virus at sakit.
Bonus: Dagdag-payo upang mas mapangalagaan ang ating mga kamay
- Ugaliing maglagay ng lotion o hand cream sa mga kamay araw-araw.
- Huwag sanaying maghugas at sabunin ang mga kamay bago o pagkatapos maglagay ng ethyl alcohol.
- Para sa mga gumagamit ng gwantes bilang dagdag-proteksyon laban sa coronavirus, siguraduhing natuyo nang maayos ang magkabilang kamay bago suotin ang nasabing protective equipment.
Hand hygiene para sa lahat
Ang wastong paghuhugas ng kamay ay kayang-kayang gawin ng sinuman, saan ka man magpunta; at sa pagdiriwang natin ng Global Handwashing Day ngayong Oktubre, mas umiigting ang sigaw ng World Health Organization (WHO) para sa mas tamang paghuhugas at kalinisan ng ating mga kamay.
Ang virus ay walang pinipiling tatamaan bata o matanda. Pero kung ang bawat isa sa atin ay susundin ang mga handwashing procedures na nakasaad, mas masisiguro natin na ligtas ang ating mga kamay sa anumang mikrobyo, pati na rin ang kaligtasan ng mga mahal natin sa buhay.
Source:
https://www.who.int/gpsc/5may/Hand_Hygiene_Why_How_and_When_Brochure.pdf