Noong 1999, pinirmahan ng dating pangulong Joseph Estrada ang presidential proclamation na nagtatalaga na ang huling linggo ng Oktubre ay ang National Food Safety Awareness Week. Ito ay isang kampanya na pinapangunahan ng Department pf Health na nagnanais na ituro sa mga tao ang resulta ng maling paghahawak ng pagkain sa kalusugan.
Ayon sa datos ng kagawaran noong 2015, isa sa bawat apat na sakit na lumabas noong 2014 ay mga food and waterborne illnesses. Narito ang limang sakit na nakukuha sa mga kontaminadong pagkain:
-
Food poisoning
Ang food poisoning ay karaniwang nakukuha ng mga taong may mahinang immune system, mga bata, buntis at matatanda. Ito ay sanhi ng bacteria, virus or mga parasitiko na nasa pagkain. May mga klase ng pagkain na kadalasang mayroong na nito gaya ng hilaw na itlog, unpasteurized na gatas at juice, hilaw na karne o seafood. Delikado din ang mga pagkaing niluluto ng madamihan. Nakukuha din naman ang mga harmful agents na ito sa pamamagitan ng hindi paghuhugas ng kamay o ng mga gamit na ginagamit sa paghahanda o pags-store ng pagkain. Dumadami ang kaso ng food poisoning tuwing summer dahil mas mabilis mapanis ang pagkain dulot ng mainit na temperatura.
Sintomas ng Food Poisoning
Ang sintomas at lala ng food poisoning ay iba-iba, depende sa kung ano ang nagdulot nito at kung gaano kalakas ang immune system ng katawan. Ang pinakaraniwang sintomas ng pagkalason sa pagkain ay ang pagsusuka, pagtatae at pagkahilo. Maaaring lumabas ang mga sintomas na ito isang oras hanggang sampung araw pagkatapos kumain.
May iilang kaso ng food poisoning na kusang gumagaling ngunit may iilan namang kailangang dalhin sa ospital. Mas mainam na magpasuri agad para mabigyan ng tamang sagot.
-
Diarrhea
Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, nasa 6,701 na kaso ng acute bloody diarrhea ang naitala sa bansa. Ang diarrhea ay ang pang-apat na dahilan ng pagkamatay ng mga batang may edad lima pababa, ayon sa UNICEF. Ang mga bacteria na nagdudulot ng diarrhea ay namumuhay sa mga hilaw na karne, itlog, shellfish at unpasteurized milk. Ang kadalasang kaso ng food-related diarrhea ay sanhi ng mga pagkain hindi nailagay sa refrigerator o mga panis na pagkaing kinain ng pasyente. Salarin din ang mga virus sa pagkakaroon ng sakit na ito. Nakukuha ang virus sa hindi malinis na kamay, gamit sa kusina, mga utensils at pagkain.
Sintomas ng diarrhea
Karamihan ng mga tao ay tinatamaan ng diarrhea isa o dalawang beses sa isang taon. Karaniwang nagtatagal ito ng dalawa hanggang tatlong araw at nagagamot ng mga over-the-counter na gamot. Narito ang mga sintomas ng diarrhea:
-
bloated na tyan
-
maninipis o matubig na dumi
-
pakiramdam na nadudumit
-
pagsusuka
-
pagkahilo
-
dugo sa dumi
Kapag ang dumi ay matubig at hindi umiinom ng madaming tubig ang pasyente, maaari itong ma-dehydrate.
-
Typhoid fever
Ayon sa datos ng Department of Health, 11 katao na ang namatay sa bansa ngayong taon dahil sa typhoid fever. Ang sakit na ito ay isang bacterial disease na dulot ng Salmonella typhi. Naipapasa ang bacteria na ito kapag nakakain ng pagkain o inumin na hinawakan ng taong may typhoid fever. Ang bacteria ay dumadami sa bituka at humahalo sa daluyan ng dugo. Talamak ang typhoid fever tuwing may baha o kahit anong sakuna dahil sa hindi malinis na tubig.
Sintomas ng Typhoid Fever
Kadalasang lumalabas ang mga sintomas ng typhoid fever isa hanggang tatlong linggo pagkaapos ma-expose sa bacteria. Ang sintomas na dapat obserbahan ay ang mga sumusunod:
-
Mataas na lagnat sa loob ng ilang araw
-
Pananakit ng tyan
-
Pagsusuka
-
Constipation
-
Bloated na tyan
-
Malambot na dumi
-
Paghihina
-
Walang gana kumain
Dahil mahal na magkasakit sa panahon ngayon, narito ang ilang mga tips para makaiwas sa mga sakit na nabanggit:
-
Palaging maghuhugas ng kamay ng malinis na tubig at sabon. Turuan ang mga bata sa murang edad pa lamang para kahit sila ay makaiwas sa sakit.
-
Siguraduhing malinis ang kusina at mga gamit dito. Importanteng kahit ang lagayan ng mga kubyertos o mga sangkap ng lutuin ay malinis.
-
Hugasan ang bawat gulay at prutas na ihahanda lalo na kung hilaw itong kakainin.
-
Lutuin ng maayos ang pagkain, iwasang kumain ng mga hilaw na karne.
-
Laging takpan ang mga pagkain para hindi damuan ng langaw na maaaring may dalang virus o bacteria.
-
Iwasang kumain ng street food o ng mga pagkaing hindi sigurado kung malinis.
-
Siguraduhing ang pagkaing kakainin o ihahain ay hindi pa panis.
References:
- http://www.doh.gov.ph/sites/default/files/statistics/2017%20Food%20and%20Water%20Borne%20Diseases%20MW%201-22.pdf
- http://www.webmd.com/digestive-disorders/digestive-diseases-diarrhea#1
- http://www.webmd.com/digestive-disorders/features/causes-diarrhea#1
- http://www.wpro.who.int/philippines/typhoon_haiyan/media/Typhoid_fever.pdf
- http://www.doh.gov.ph/node/286