New Year, New Diet: Alamin ang Bagong Diet na Ito

January 23, 2018

Ngayong 2018, ano ang inyong mga nasa listahan ng New Year’s Resolution? Magsisimula ka na bang maging mas financially active, mag-travel sa iba’t-ibang lugar, mag-invest sa isang business, o di naman kaya ay maging healthy?

Ilan lamang yan sa mga common na New Year’s Resolution na ating ginagawa taun-taon. Ngunit ang pinakamahalaga nating masunod ay ang pagiging healthy? Anu-ano nga ba ang paraan para masunod ito? Mayroon riyan na ang plano ay pumayat sa 2018, o di naman kaya ay maging mas active sa pag-e-ehersisyo. Buti na lang, maraming trending na bagong diet na maaari nating subukan upang maging mas malapit tayo sa pag-achieve ng ating mga health at lifestyle goals ngayong 2018. Isa na yata sa mga pinakasikat at pinag-uusapang diet sa ngayon ay ang Keto Diet? Ano nga ba ito at dapat mo bang sundin agad ang uso?
 

Ano ang Keto Diet?

Ang Keto Diet o Ketogenic Diet ay mayroong meal plan na ume-encourage sa pagkain ng taba, taliwas sa mga nakasanay nating diet na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng taba. Kaya naman hindi maikakaila na sa pagsikat nito at pagdami ng mga gumagawa ng diet na ito, ay siya ring pagtaas ng mga tumutuligsa rito.

Ilan sa mga komento ng mga hindi naniniwala sa keto diet ay masama ito sa katawan dahil sa imbes na mailabas ang mga taba sa katawan, bagkus pa naman itong kinakain. Ayon sa mga pag-aaral, ang ketogenic diet ay 70% fat, 20% protein, at 10% fiber. Kung mapapansin ay wala sa ratio ang carbohydrate.

Ito ang pinagkaiba ng keto diet sa ating mga normal na kain. Sa keto diet ay tuluyang inaalis ang pagkain na source ng carbohydrate gaya ng kanin, pasta, tinapay, beans, kamote, at asukal. Isa sa ikinababahala ng mga walang sapat na kaalaman tungkol sa diet na ito ay kung saan sila huhugot ng lakas para sa kanilang mga pang-araw-araw na aktibidad.


Proseso ng Keto

Sa proseso ng diet na ito, dahil nga sa wala ng carbohydrate sa ating katawan na bumubuo ng glucose, napipilitan ang ating mga atay na i-convert ang ketones na siya namang nagiging alternative source ng fuel sa ating katawan. Ginagamit ng atay ang fat sa pag-produce ng ketones. Sa ketogenic diet, napipilitan ang ating katawan na patakbuhin ang sarili nito gamit lamang ang ating mga taba. Dahil na rin sa lubusang pagbaba ng insulin kaya mabilis na natutunaw ang taba sa katawan.

Ito ang ideal na outcome na ninanais ng mga gustong magpapayat o magpa-sexy ngayong 2018. Ngunit hindi lamang pampisikal na anyo ang benepisyo ng diet na ito. Mayroon rin itong ilang benepisyo gaya na lamang ng matagal na pagkagutom at ang pagkakaroon ng steady na supply ng energy.

Ketosis ang kondisyon na nais marating ng mga sumasailalim sa diet na ito. Ito ay naaabot lamang kapag ang katawan ay nagsimula ng bumuo ng mga ketones. Dapat tandaan na ang ketosis ay mangyayari lamang kapag nagkaroon na ng carbohydrate shortage sa ating katawan. Isa sa pinakamabisang paraan ay ang pagsailalim sa fasting na sasabayan naman ng tamang Keto Diet.

Mga Pwede at Hindi Pwedeng Kainin sa Keto Diet


Natural na ang pagkagulat sa sinumang makakaalam na pwedeng kumain ng matatabang pagkain ang mga sumasailalim sa Keto Diet. Taba ng baboy, balat ng manok, sisig, bagnet, at chicharon- ilan lamang iyan sa mga pagkaing pasok sa listahan ng mga pwede sa Keto Diet. Hindi maikakaila na maraming Pilipino ang magiging interesadong subukan ito. Ganunpaman, dapat alalahanin na dapat ay kainin ang mga ito moderately dahil anumang sobra ay maaaring makasama sa katawan.

Para mas malawak pa ang ating kaalaman tungkol sa mga pagkain na pasok sa diet na ito, tingnan natin ang listahan sa ibaba:

undefined

  • Karne
  • Isda
  • Butter
  • Itlog
  • Leafy Vegetables
  • Almonds


Samantala, ito naman ang mga pagkain na ipinagbabawal sa Keto Diet:

undefined

  • Kanin
  • Tinapay
  • Asukal
  • Pasta
  • Noodles
  • Kamote
  • Crops
  • Beans
  • Dairy Milk

 

Downsides ng Keto

Kagaya ng anumang diet, may babala rin ang mga doktor at ekspertosa mga nais sumubok sa keto diet. Pangunahing concern na ang magiging epekto nito sa atay ng isang tao. Gaya ng nabanggit, ang keto diet ay base sa ketosis na nangyayari sa atay. Sa prosesong ito ay cino-convert ng atay ang depositong taba upang gamiting energy source ng katawan. Sa regular na proseso ng katawan ay sa mga carbohydrate ito kinukuha ng ating katawan.

Maliban sa maaaring epekto nito sa atay ay ikinababahala naman ilang sumasailalim na sa diet na ito ang pagkakaroon ng kakaibang amoy sa katawan. May ilang nagbahagi ng kanilang karanasan na nagkaroon raw sila ng bad breath o di naman kaya ay body odor. Napagalaman na sanhi ito ng pagkakaroon ng acetone sa katawan na isang by-product ng ketosis.

Kung tutuusin ay madali lamang para sa ating mga Pilipino ang sumailalim sa diet na ito sapagkat ang ating mga lutuin ay natural ng mamamantika at matataba. Ang magiging challenge na lamang ay ang pag-alis ng kanin. Walang dapat ipag-alala dahil gaya ng lahat ng bagay, mayroong mga paraan upang tuluyang makapag-adapt ang ating katawan sa diet na ito.

Para sa mga baguhan sa Keto Diet, ang tinatawag na Intermittent Fasting o IF ang pinakamabisang paraan upang makapag-adjust ang kanilang katawan. Sa IF ay nililimitahan lamang ang kain sa isang araw base sa ratio na napili. Ang pinakasikat na ratio ng IF ay 16:8 kung saan 16 na oras ang fasting habang kailangan namang i-konsumo ang lahat ng meal para sa araw na iyon sa loob lamang ng 8-hr meal window.

Malaki ang benepisyo nito para sa mga baguhan at kahit sa mga matagal nang sumasailalim sa Keto Diet dahil nagiging masuri sila sa kanilang kinakain. Dagdag pa riyan ang pag-develop ng sapat na disiplina sa pag-control ng kanilang gutom.

Weight loss ang pangunahing benepisyo ng pagsailalim sa Keto Diet. Dagdag pa riyan ang pagiging aware at kontroladong gutom. Mahalaga na isaisip ng mga sasailalim sa diet na ito ang pagkakaroon ng disiplina at sapat na kaalaman sa mga dapat at hindi dapat kainin upang magpatuloy ang ketosis. Ang tamang ratio rin ng fat, protein, at fiber sa pang-araw-araw na meal ay mahalagang pagtuunan ng pansin dahil ang proseso na ito ay nagde-develop ng muscle habang nagbabawas ng taba sa ating katawan. Ganunpaman, pinakamainam pa rin kung tayo ay kukunsulta sa ating mga doktor bago tayo sumailalim sa Keto diet o anumang diet dahil ang ating katawan ang pangunahing maapektuhan nito.


Sources:

  • http://www.businessinsider.com/what-is-keto-diet-beginners-2017-12
  • https://www.dietdoctor.com/low-carb/keto
  • http://business.inquirer.net/243650/new-year-new-diet
  • http://main.poliquingroup.com/ArticlesMultimedia/Articles/Article/1474/Pros_Cons_of_A_Ketogenic_DietMany_Benefits_Includi.aspx