Pag-Iwas sa Impeksyon at Injury sa Kuko

September 21, 2020

Ika nga nila, ang mga kuko ay tinaguriang windows to the soul. Malalaman daw ang personality ng isang tao kapag iyong inobserbahan ang kanyang mga kuko.

 

Nguni’t paano naman kung ang mga kuko mo ay may impeksyon o di kaya’y may patay sa mga ito?

 

Ang nangangapal, deformed, mabilis mabali, natatanggal, naninilaw, o di kaya nama’y patay na kuko ay may iba’t-ibang maaaring panggalingan, nguni’t may tatlong pinakamadalas na magdulot ng mga ito:

 

1. Sugat o Trauma

 

Kung nasugatan malapit sa kuko (laceration), maaaring maging ugat ito ng pagkasira o pagkamatay ng kuko. Kung nabangga ang iyong kuko sa matigas na bagay tulad ng pinto o paa ng mesa, maaaring masira din ang puno o nail bed ng iyong kuko. Gayundin kung nadaganan ito o kaya nama’y naipit. Ang pagsusuot ng masikip na sapatos ay madalas ding magdulot ng ganitong problema. Ang impact o trauma ay madalas ding pagmulan ng black line in nails o ang tinatawag na splinter hemorrhage.

 

2. Fungal Infection

 

Ang pagkakaroon ng impeksyon na dulot ng fungi ay madalas na dahilan sa pagkasira ng kuko. Halimbawa na lamang ay ang paglalaba, dahil nakababad ang mga kamay sa tubig at matapang na sabon. Kung madalas kang humawak ng maruruming bagay at hindi nililinis ang mga dirty nails, maaaring kapitan ang iyong kamay ng mikrobyo o fungi, at ito ay sisiksik sa gilid ng mga kuko hanggang umabot sa nail bed, dahilan upang magkaroon ng impeksyon.

 

3. Exposure sa Kemikal

 

Puwede ring masira ang iyong mga kuko kung ikaw ay nakahawak ng matapang na kemikal tulad ng mga likidong panglinis, lalo na kung matagal ang exposure dito ng iyong mga kuko.

 

Ang kuko na may sugat o kaya’y tumama sa matigas na bagay ay maaari ding kaagad maimpeksyon kung marumi, nababad sa paglalaba, o kaya’y na-expose sa kemikal.

 

 

Nail Bed Injury

 

Kapag nagkaroon ng nail bed injury, maaaring:

 

  • Mamuo ang dugo sa ilalim ng kuko. Ito ang tinatawag na subungual hematoma. Karaniwang nangyayari ito kapag tumama o naipit ang iyong kuko. Bukod sa masakit ito, mapapansin mo ring parang nabugbog ang ilalim ng kuko.
  • Madurog ang kuko.
  • Matanggal ang kuko.
  • Mamaga ang daliri.
  • Magkaroon ng impeksyon.

 

Kung nagtamo ng subungual hematoma, ang maaaring gawin ng isang eksperto ay butasan ng maliit ang iyong kuko upang palabasin ang dugo at mabawasan ang pressure na nagpapasakit sa iyong daliri. Depende rin sa doktor kung tatanggalin ang kuko. Kung malaki ang subungual hematoma, malamang ay tatanggalin ito. Tutubo rin ang iyong kuko matapos gumaling ang injury sa nail bed.

 

Kung nasugatan naman ang daliri at umabot sa nail bed, maaaring tahiin ng doktor ang laceration. Posible ring tanggalin ang kuko. Tutubo ring muli ang kuko kapag ang sugat ay magaling na.

 

Kung nagtamo naman ng nail bed avulsion, kung saan ang kuko at bahagi ng puno nito ay humihiwalay sa daliri, kailangan mo ng tulong ng isang doktor dahil dapat lamang na tanggalin ang kuko. Kung pilay ang daliri, lalagyan ito ng splint upang gumaling.

 

Fungal Infection

 

Ang fungal nail infection o onychomycosis ay dulot ng iba’t-ibang uri ng mikrobyo o fungi tulad ng mold at yeast. Nabubuhay ang mga fungi sa kapaligiran. Kung may maliit na butas o bali sa iyong kuko, maaaring pasukin ito ng mga mikrobyo, dahilan upang ito’y maimpeksyon.

 

Kahit sino ay puwedeng magkaroon ng impeksyon sa kuko, pero may mga taong mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Halimbawa:

 

  • Nagkaroon ng nail injury
  • Naoperahan sa kuko
  • May athlete’s foot o alipunga
  • May problema sa pagdaloy ng dugo sa katawan
  • May diabetes
  • Mahina ang immune system
  • Biting nails o mahilig sa paggupit ng kuko gamit ang mga ngipin

 

Paggamot sa Fungal Infection

 

Upang magamot ang fungal infection sa kuko, lumapit sa isang healthcare professional. Sisikaping alamin ng doktor ang pinagmulan at uri ng fungal infection sa pamamagitan ng pagsusuri sa iyong kuko at pagtatanong sa iyo tungkol sa mga sintomas nito. Maaari ding gupitin ang iyong kuko upang masiyasat ang ginupit na bahagi sa microscope o maipadala ito sa isang laboratoryo.

 

Hindi madaling gamutin ang mga fungal nail infection at madalang na mawala ito nang hindi nilalapatan ng lunas. Maaari itong lumipat sa ibang kuko kung hindi ito gagamutin.

 

Ang isa sa mabisang paraan ng pagpatay ng fungi sa kuko ay ang pag-inom ng gamot na nireseta ng iyong doktor. Kung malala naman ang impeksyon, maaaring tanggalin ng doktor ang kuko. Posible ding bigyan ka ng reseta para sa anti-fungal cream lalo na kung ang pinagmulan ng impeksyon ay athlete’s foot o ringworm.

 

Pag-Iwas sa Impeksyon

 

Hindi naman mahirap iwasan ang pagkakaroon ng impeksyon sa kuko. Alagaan mo lamang ang iyong mga kamay at paa. Gupitin ng maayos at marahan ang mga kuko. Tandaan na ang long nails ay mas madaling mabali kesa maiksing kuko.

 

Narito pa ang ibang tips upang maiwasan ang nail infections at injuries:

 

  • Magsuot ng rubber gloves kapag naglalaba o naghuhugas ng pinggan, lalo na kung matagal na nakababad ang mga kamay.
  • Umiwas sa paglusong sa baha. Kung hindi ito maiwasan, magsuot ng medyas at rubber boots upang maiwasang mabasa ang mga paa.
  • Kung nabasa ang suot na sapatos, kaagad na hugasan ang mga paa gamit ang malinis na tubig at antibacterial o antifungal soap. Patuyuin muna ng husto ang mga sapatos. Huwag nang suoting muli ang mga ito kung amoy mold o may masangsang na amoy.
  • Iwasang maglakad nang walang sapin sa paa sa mga public places tulad ng swimming pool at shower. Magsuot ng tsinelas o di kaya’y water shoes o aqua shoes.
  • Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at antibacterial soap lalo na kung hinawakan ang infected nail o kaya’y ibang bagay na marumi.
  • Bawasan ang pagpapa-manicure at pedicure. Huwag lalagpas sa isang beses kada dalawa o tatlong linggo. Kung kailangang gawin ito, pumunta lamang sa pinagkakatiwalaang salon na kilala mong nagdi-disinfect ng mga gamit.
  • Ang mga pangkulay sa kuko o nail polish ay may taglay na kemikal, kasama na rin dyan ang acrylic, gel, at polygel nails. Limitahan ang paggamit ng mga ito.
  • Pagkatapos maligo o maghugas ng paa, siguraduhing tuyo na ang mga paa bago maglakad-lakad o magsuot ng tsinelas o medyas at sapatos.
  • Huwag kakagatin ang mga kuko. Gumamit ng nail clipper.
  • Huwag gamitin ang kuko na parang tool, tulad halimbawa sa pagbubukas ng lata at pagpihit ng tornilyo. Maaari itong mabali at pasukin ng mikrobyo.

 

Ang pag-aalaga ng iyong mga kuko ay ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang mga impeksyon at injuries sa mga ito. Kung ikaw naman ay nagtamo ng nail injury o infection, kaagad lumapit sa doktor upang malapatan ng karampatang lunas.

 

Resources:

 

https://www.healthline.com/health/fungal-nail-infection#risk-factors

https://www.cdc.gov/fungal/nail-infections.html

https://www.healthline.com/health/black-line-on-the-nail#causes

https://www.healthline.com/health/nail-bed-injury#treatment

https://share.upmc.com/2019/07/infection-from-fake-nails/

https://www.oxbridgeacademy.edu.za/blog/the-pros-and-cons-of-acrylic-gel-and-polygel-nail-care/