Napakahirap mamuhay nang normal kung ikaw ay mayroong kidney stones. Tila makakaramdam ka ng mga alon ng matinding pananakit na dumadaloy sa likod at tagiliran, at biglaan ang pagdating nito. Sa kabutihang palad, may dalang lunas ang mundo ng herbal medicine sa kondisyong ito – ang sambong leaves.
Pagkatapos mapatunayan ang bisa nito sa pagtanggal ng kidney stones, ang dahon ng sambong ay mismong ine-endorso ng Department of Health, Philippine Council for Health and Research at maraming doktor sa bansa. Maliban dito, meron pang mga natuklasang dagdag na sambong benefits sa katawan. Ating silipin ang mga nagagawa ng sambong.
Saan ginagamit ang sambong leaves?
Napagalaman na ang dahon ng sambong ay epektibong lunas para sa kidney stones. Ang mga nilalamang natural na kemikal ng dahon ay kayang tumunaw ng kidney stones sa pag-inom ng sambong capsule o tsaa. Dahil dito, napipigilan ang paglala ng kondisyon, na maaring tumuloy sa chronic kidney disease (sakit sa bato) at kidney failure (pagkapinsala ng bato).
Isa pang benepisyo ng sambong ay ang pagiging diuretiko nito. Tinutulungan ng sambong ang bato ilabas ang labis na tubig at asin sa katawan, kaya hindi lamang nito tinutunaw ang kidney stones, tumutulong din ito pagpapalabas ng stones. Bukod pa rito, ang mga diuretiko ay tumutulong sa pagpapababa ng blood pressure dahil linalabas nito ang labis na sodium sa katawan.
Tulad ng lagundi, na isa pang mabisang herb, ang sambong leaves ay may kakayahang pawiin ang ubo at sore throat. Ang mga nilalamang sustansya nito ay nagsisilbing expectorant na magdadala ng ginhawa sa iyong lalamunan.
Ayon naman sa programang Salamat Dok, kabilang sa sambong benefits ang pagpapagaling ng lagnat. Ang mga dahon ay ibababad muna sa malamig na tubig bago ihanay sa tela ng plaster, na ilalagay sa ulo ng pasyente. Nakakatulong ito sa pagpapababa ng temperatura ng katawan.
Nakita rin sa isang saliksik na may positibong epekto ang sambong sa ilang uri ng mikrobyo tulad ng T mentagrophytes, A niger at E coli. Hindi pa ito kinikilalang opisyal na panlaban sa mga ito, ngunit maganda lang isipin na ang gamot mo sa kidney stones ay maaari ring tumulong sa pagpuksa ng bacteria sa katawan.
Paano ginagamit ang sambong leaves?
Image from Pixabay
Ang sambong leaves ay kalimitang ginagawang tsaa na simple lang ihanda. Isalang ang mga dahon sa kumukulong tubig sa loob ng 15 minutes, pagkatapos ay isalin ang tubig sa tasa. Kung wala ka namang panahon maghanap ng mga dahon, maaari kang bumili ng sambong tea sa mga botika at malalaking grocery.
Bukod sa tsaa, pwede ka ring uminom ng sambong capsule, na nahahanap sa maraming botika. Kapareho din nito ang epekto ng tsaa.
Safe bang gamitin ang sambong?
Image from Pexels
Wala pa namang naitatalang malubhang side effects ang sambong maliban sa allergy. Ang mga taong sensitibo sa ragweed at mga katulad nitong halaman ay maaring mangati at magkaroon ng iritasyon sa balat.
Bagaman safe ang sambong, hindi pa sapat ang pananaliksik sa epekto nito sa mga nagdadalang tao. Habang wala pang depinitibong kasagutan, umiwas na muna dito kung ikaw ay buntis.
Mabisa man ang sambong, huwag mag-atubuling kumonsulta sa iyong doktor kung patuloy na makaranas ng pananakit ng katawan, na dulot ng kidney stones, o kung tila gumagrabe ang iyong kondisyon. Baka kailangan mo ng mas matapang na gamot at wastong gabay ni dok para mas mabilis ang paggaling.