Ang pag-inom ng tubig ay isa sa mga kailangan ng katawan para mapanatiling malusog at malayo sa sakit. Dahil ang bodyweight natin ay binubuo ng 60% na tubig, importante ito para mapanatiling normal ang temperature at tumatakbo nang maayos ang iba’t ibang functions ng body systems.
Kapag kulang sa iniinom na tubig, maaaring makaranas ng dehydration, madaling pagkapagod, pagkairita, at pagbaba ng energy levels. Hindi sa lahat ng oras ay tubig ang hinahanap natin kapag nainitan o may ginagawang physical activity tulad ng workout at sports. Alamin kung mas mainam ang pag-inom ng sports drink kaysa sa tubig dahil sa mga nilalaman nito.
Ano ang meron sa sports drink?
Bukod sa mas masarap na flavor, narito pa ang ilan sa additional ingredients na matatagpuan sa sports drink kaya maraming tumatangkilik nito:
- Amino acids – Matapos ang matinding workout, training, o pagsabak sa sports, nakakatulong ang building blocks ng protein para mas mabilis maka-recover ang katawan mula sa pagod at mga natamong pananakit ng katawan.
- Electrolytes – Lumalabas ang electrolytes sa katawan kapag pinagpapawisan. Para mapalitan ang mga ito, ayon sa mga sports drink ay nabibigyan nila ang katawan ng potassium, sodium, at magnesium. Ang mga minerals na ito ay nakakatulong para mapanatili ang ionic balance ng katawan.
- Carbohydrates – Para manumbalik ang nawalang energy sa katawan, sinasabing nakakapagbigay ang mga sports drink ng carbohydrates.
Dahil sa mga benepisyo at karagdagang ingredients na ito, mas pinipili ng mga atleta, gym goers, at sports players ang pag-inom ng sports drink kumpara sa tubig. Sa kasamaang palad, maraming sports drink ang may mga added sugars. Ang labis na pagkonsumo nito, bagama’t may regular na physical activity, ay hindi nakakabuti sa katawan.
May mga sitwasyon pa rin na mas kailangan ng katawan ang sports drink. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
Image from:https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-man-having-break-sport-training-373905304
- Kapag nagsagawa ng high-impact workouts lagpas 45 minutes o isang oras. Kapag ganitong katagal na o higit pa ang physical activity, may lumalabas na rin na sodium kasama ng pawis, kaya mainam ang sports drink.
- Kapag sumailalim sa matinding endurance activities gaya ng marathon ay long-distance na pamimisikleta. Marami ang nilalabas na fluids ng katawan sa ganitong sports o leisure kaya bukod sa tubig ay nangangailangan pa ng minerals ang katawan.
- Kapag nakakaranas ng diarrhea at matinding dehydration. Maaaring irekomenda ng doktor ang pag-inom ng sports drink kung malala ang kaso ng diarrhea na nararanasan. Nakakatulong ito sa mabilis na pagbalik ng mga nawalang minerals sa katawan dahil sa pagdumi.
- Kapag may hypoglycemia. Dahil sa added ingredients sa sports drink at iba pang sugar drinks, mabilis na mapapaangat ng pag-inom nito ang blood sugar.
Kung naiinitan lang dahil sa panahon o naghahanap lang ng inuming masarap, mas mabuti pa rin ang pag-inom ng tubig dahil sa benefits nito. Pwede itong haluan ng prutas o gulay para sumarap at mas maging refreshing.
Tandaan na mas kailangan ng katawan ang tubig dahil sa mga nagagawa nito para sa overall functions ng ating mga organs. Maraming paraan para manatiling hydrated, kaya siguraduhing iinom lamang ng sports drink kung kinakailangan.
Sources:
https://inbodyusa.com/blogs/inbodyblog/whats-better-for-dehydration-water-vs-sports-drinks/